*Larita Kutsarita - n. see THE AUTHOR
*Spoonfuls - n. articles/dispatches/scribbles by Larita Kutsarita
(Background photo by Aiess Alonso)

Saturday, June 11, 2011

Ang Tanong na Marapat na Itanong

Ang sumusunod ay isang talumpating ibinigkas nitong nakaraang Abril, sa araw ng pagtatapos ng mga estudyante ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon. Kaalinsabay nito ay isang maiksing kilos-protestang nagpaigting sa katotohanang "walang pagbabago sa ilalim ni Aquino":

Mahalaga ang umagang ito para sa ating lahat, hindi lang para sa mga mismong magtatapos, ngunit para na rin sa mga magulang at tagapangalagang nagsakripisyo upang makitang tumanggap ng diploma ang kanilang mga anak.  Ngunit mahalaga man ang umagang ito, hindi pa rin maikakailang lahat tayo ay magtatanong sa ating mga sarili: Ano na ang susunod?  Anong mangyayari bukas, pagbangon nating muli bilang mga gradweyt ng Unibersidad ng Pilipinas-Maskom, at bilang mga bagong opisyal na dagdag sa istatistika ng unemployed na mga Pilipino?  At sabi nga ng isang patalastas sa telebisyon, marapat lang siguro nating itanong sa ating mga sarili, “Para kanino ako babangon?”

Hindi po kami pesimista.  Naniniwala kaming ang Bulwagan ng Plaridel ay, kailanman, hindi nawalan ng abanteng pwersa.  At naniniwala kaming ang araw na ito ay tunay na araw ng pagdiriwang.  Subalit sa kabila ng mga sablay at nagniningningang kaputian ng mga suot ng mga nagsisipagtapos, makikita ang mas maliwanag na bukas na puno ng mga pangarap, panata, at paghamon.  Nawa, ang pansamantalang paglisan natin sa ating mahal na pamantasan ay hindi nangangahulugan ng paglisan din sa ating mga pakikibaka.

Huwag nating kalimutan na tayo ang tinaguriang “ToFI Babies.”  Tayo ang unang batch ng mga Iskolar ng Bayang naapaektuhan ng 300% tuition and other fees increase.  Ni-railroad ito ng UP Board of Regents, taong 2006, kasabay ng pagratsada ng mga anti-estudyanteng neoliberal na polisiya gaya ng pagbenta ng university idle assets upang maitayo ang UP-Ayala Land Technohub, demolisyon sa Pook Ricarte, Pook Palaris, at Pook Dagohoy—o RIPADA kung tawagin—na pawang mga komunidad sa loob ng UP, at pagpapaalis ng University Food Service at UP Integrated School sa kasalukuyan nitong mga lugar.  Sunud-sunod na rin ang mga nakaambang na demolisyon sa ilang mga barangay na kapitbahay ng UP dahil sa Quezon City Central Business District (QC-CBD), isang multi-billion joint project ng lokal na pamahalaan ng QC at Ayala Land Inc. (ALI) na may basbas ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino.  At sino naman ang nakikinabang sa mga anti-mamamayang mga polisiya at proyektong ito?  Nais ba nating bumangon para sa mapang-alipin at mapangkamal na nagsisilakihang pribadong kumpanyang hawak ng mga dayuhan at mayayamang iilan?  

Huwag din nating kalimutan sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan na mga estudyante ng UP na dinukot ng militar sa Hagonoy, Bulacan, halos limang taon na rin ang nakalilipas.  Hanggang ngayon, ay hindi pa rin sila nakikita.  Wala man lang mapaglamayang ni isang kabaong.  At sino ba naman ang makalilimot sa mga pinakamalagim na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas?  Sino ang makalilimot sa pagkitil ng 58 inosenteng buhay, kung saan 32 rito ay mga katrabaho natin sa larangan ng media?  Ang Ampatuan Massacre ay nagdulot ng matinding takot sa mga mamamahayag, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo, at naglagay ng ating bansa sa pandaigdigang mapa ng kahihiyan at panganib.  Bilang kolehiyo, matindi natin itong kinundena.  Nariyan din ang tila malaking elepante sa loob ng silid: ang Hacienda Luisita Massacre na kumitil naman sa buhay ng pitong magsasaka’t manggagawang bukid sa lupang pagmamay-ari ng mga Cojuangco at Aquino.  Hanggang ngayon, ay hindi pa rin nakakamit ng mga biktima nito ang hustisya.  Hindi rin dapat limutin ang Mendiola Massacre na tugon sa isang mapayapang kilos protesta ng mga magsasaka sa Malacañang noong 1987.  Hindi lamang sa pagkundena nagtatapos ang ating sagot.  Ating markahan ang mga araw na ito, at huwag na huwag nating kalilimutan.  Ating bantayan ang kapwa nating mga mamamahayag at sibilyan nang hindi na maulit ang ganoong kadilim na mga yugto sa ating kasaysayan.  At higit sa lahat, singilin ang mga berdugo, ang mga may utang na dugo!  Tayo ay patuloy na manawagang ibigay ang nararapat na katarungan sa mga biktima ng mga Ampatuan, Cojuangco, at Aquino!  ‘Pagkat sino ba naman ang nais bumangon para sa isang pasistang estadong iwinawaksi ang mismong karapatang pantao ng mga mamamayan nito?   

Ang lahat ng ito, isyu man ng pamantasan o ng buong bayan, ay maiuugat sa iisang suliranin: ang culture of impunity, o kawalan ng hustisya sa bansa.  Kung mayroon man, ito ay mailap sa masa at mas pumapabor sa interes ng nabanggit na mga dayuhan o mayayamang iilan.  Pinakamagagandang halimbawa nito ang ilang mga matutunog na pangalang kung wala pa rin sa kulungan, ay mayroong nagawa pang maging presidente ng bansa.  Tayo ay binulag ng pangako ng isang landas na matuwid.  Ngayon, tayo ay tumatahak sa isang baku-bako at paliku-likong daan patungong neoliberalismo, patungo sa isang uri ng lipunang nananatiling atrasado, nambubusabos, at unti-unting pumapatay sa buhay at diwa ng sambayanan.  Dahil ang sistema ay hindi “Matira, matibay,” kundi, “matira, may kuwalta.”  Sa huli, ito pa rin ay labanan ng mga uri.  At sa umpisa’t huli, tayo ang mapagpasiya: tayo ba ay para sa mapang-aping dayuhan at mayayamang iilan, o tayo ba ay para sa inaaping masa?

Kaya naman tulad ng tema natin ngayong umaga, hinihimok tayo ng panahon at ng mga pagkakataong mas kumilos na, hindi lang dahil personal at pang-estudyante ang mga isyu, kundi dahil tayo ay Iskolar mula sa Bayan, at Iskolar para sa Bayan.  At hindi lang ito basta-bastang “elections tagline,” dahil ang tunay na UP student o graduate ay nagsisilbi sa sambayanang api kung saan utang natin ang mismong umagang ito.  Hindi sapat ang honor at excellence sa loob ng klasrum at retorika ng mga magagaling magpaliwanag nito.  Sapagkat ang tunay na dangal at kahusayan ay matatagpuan sa “dangal ng paglilingkod kasama ang bayan at kahusayan sa paglubog sa batayang masa.”

Kaya sa paggising natin muli bukas, kahit subukan lang nating itanong sa ating mga sarili: Para kanino ba ako?

Taas kamaong pagbati sa ating mga gradweyt sa Kolehiyo ng Pangmadlang komunikayon! Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan!   

Photo by Kal Peralta

Saturday, May 28, 2011

"Para sa Kaarawan ni (Free) Ericson Acosta!" ni Sarah Raymundo

Eric!
Dahil sa puyatan kagabi gawa ng Acosta Universe fund raising concert para sa legal defense fund ng Free Ericson Acosta Campaign, gumising ako at gumawa ng mga regular na gawain sa isa na namang regular na araw na wala sa isip kong birthday mo ngayon! Kung hindi pa ako nagbukas ng facebook at nakita ang status ni Dennis na nagtulak sa akin para humalagapak sa tawa, na siya namang ikinagulat ng ibang kasama sa opisina, baka lumipas na ang araw na ito na tuluyan ko nang nakalimutan ang iyong kaarawan. Sabi ni Dennis, “Happy birthday Ericson Acosta, Palayain ang mga may birthday!” Siyempre mabigat ang birthday mo ngayon dahil nga nakakulong ka. Nung mga nakaraang taon, lumilipas lang naman yan na hindi ko namamalyan kaya wala ring ganitong drama.

Isa o dalawang lingo na ang nakalipas, nagtext si Arnold sa akin mula sa farm (literal na nasa farm siya at hindi kung ano pa mang farm) at binibida ang iyong blog, kung nabasa ko na ba ito, manghang-mangha siya rito, naa-agit, natutuwa, nabibilib, nagagalit, naaawa, sa madaling salita, nawawafaz. Kaya pinuntahan ko ang blogsite mo. Hindi iyon yung una kong pagbisita. Nadaan na ko doon pero hindi ako makatapos ng entry kasi ang lakas maka-crying lady ng moda doon. Hindi kinakaya ng pagkalalake ko. Chos. Gustong-gusto ko ang iyong sikoanalitiko at mapagbigay na interpretasyon sa aking maling alaala sa inyong inawit. Aba’y sino ba namang hunghang ang hindi matutuwang maiugnay sa pampulitikang katalasan ang kanyang paguulyanin, diba?* Nagpadala din sa akin si Boogie ng pagwawasto hinggil doon, sabi niya 1991 iyon, hindi 1992 (yun ang una kong naitala). Alam na alam niya ito dahil  mahalaga raw ang kaganapan na iyon para sa kanya. Sa huli naming palitan sa facebook, kinakamusta ka niya at nakikibalita sa iyong kaso.

Ang saya-saya ng Acosta Universe gig kagabi. Hindi ko naman masabing “sana nandoon ka” dahil kung wala ka diyan wala namang ganoong kaganapan. Gayunpaman, sana talaga nandoon ka. Ang huhusay ng mga umawit, yung iba mas mahusay pa nga sayo. Kagaya pa rin ng dati, nakakabilib talaga itong si Chikoy ng The Jerks. Tapos ang husay ng tambalan ni Nato at ni Dong Abay. Ang unang tinugtog nila ay Awit ng Peti B. Nakatitig ako kay Dong at namangha at napaluha rin ng kaunti dahil memoryado niya ang awiting ito. Siyempre nakakatuwang marinig ulit ang State U na si Dong mismo ang kumakanta. Lagi pa ring inaawit ng mga batang aktibista iyon dito sa Peyups. Umawit at nagitara rin si Levy Demetillo ng mga piyesa ni Joni Mitchell, Bob Dylan at Beatles. Bago umawit si Danny Fabella, nabanggit niyang nakatrabaho ka niya sa ilang gawaing kultural noong bandang 1999 hanggang 2001at inawit na niya ang mga matatalas niyang piyesa. Siyempre hindi mawawala sa mga ganitong okasyon si Koyang Jess Santiago, sumasabay pa nga kami sa pagkanta niya. Merong lang isa na hindi namin masabayan ni Dennis, tanong pa nga niya sa akin, anong kinakanta niya Japanese? Sagot ko, akala ko nga kanina Latin eh.

Nagbigay din ng mensahe ng pakikiisa at mariing nanawagan ang Pambansang Alagad ng Sining, si Propesor at Kasamang Bienvenido Lumbera. Bongga ang tugtugan ng Free Ericson Acosta Band. Oo, may ganon. Si Nato siyempre ang gitarista. Singers sina Birung na ngayon ay nagbabalik-loob na sa tunay niyang pangalang walang kasing ganda—Sarah at si Aki ng League of Filipino Students. Iba ang tama ng dalawang ito. Ang lalaki ng boses, buong-buo. Nakakalalake. Para silang sinapian ng kaluluwa ni Janis Joplin at Eddie Vedder. Inawit nila yung may lyrics na binabanatan ang VFA. Medyo napaiyak ako doon, kasi sobrang galing, alam mo yung mga pagkakataong naluluha ka gawa ng “awe”? Ganon. Pero dahil din sa biglang sumagi sa isip ko ang imahe mong inaawit yun noon, parang nakita ko yung pagpadyak mo, papikit-pikit at pagsabay ng iyong ulo sa beat. Miss na miss kita. (okay na? next...). Sumama rin si Balakid ng Sinag Bayan sa jamming na ito. Napakahusay niyang mag-rap sa pagitan ng mga titik ng awiting sinulat mo. Sa tantya naming lahat, siya na ang kinabukasan ng hip-hop sa mundong ibabaw. Ganon siya kabangis. Isang nagngangalang Atty Baybay na isa ring folk singer ang nag-alay ng mga awitin para sa iyo. Hindi ka raw niya personal na kilala pero nakikiisa siya. Folk singer siya na may regular gig sa My Brother’s Moustache tuwing Lunes. Mehn, para siyang pinaghalong Beatles at James Taylor. Yung kanta ng Beatles aawitin niyang mala-James Taylor. Iba din siya eh, noh? Mawawala ba naman si Babez sa lahat ng eksenang ito? May kasama siyang iba pang musikero na tumugtog ng buong husay sa mga awitin ng bandang Anak ni Aling Juana. Naaalala mo pa dati, binansagan mo akong Chona (na may konotasyong malandi o kerengkeng) habang nag-aabang tayo ng dyip sa tapat ng Vinzons tapos biglang dumating si Babez at pinakilala mo siya sa akin bilang Chimini (sa pelikula sa utak mo, alalay o muchacha mo siya). At ikaw naman si George, ayon din sa iyo.

Kung hindi ka pa nakulong at hindi pa inilunsad ang Free Ericson Acosta Campaign hindi na siguro kami magkikita nina Nova at Trisa. May panahon sa buhay ko na pakiramdam ko hindi ko kayang mabuhay ng wala si Nova. Hindi naman sa nain-love ako sa kanya, hindi rin naman sa walang kwenta sa akin si Trisa. Meron lang talagang mga ganong sentimyento. Ang panganay ni Nova na inaanak ko (ikaw rin ba?) ay magfi-first year high school na sa Philippine Science. Napabulalas ako “Aba matalino!” Tawang-tawa ako sa suspetya ni Trisa. Sabi niya, “Sa palagay ko may kinalaman yan sa librong niregalo ko sa kanya nung maliit pa siya...” At binanggit niya ang titulo ng libro at naaalala pa rin ito ni Nova. Ayoko namang magpahuli, ninang din ako noh, bakit ba. Kaya sabi ko, hindi, sa tingin ko mas epekto yan nung una at huli kong regalo kay Wishy, isang malaking laruang truck na binili nating dalawa sa Hi-Top ba o Glory's (na Save More na ngayon) bago tayo tumungo sa dating bahay nila Nova. Kasama natin noon si Trisa at ang dati niyang boyfriend na ngayon ay asawa na niya (kaya hindi ito si Richard Gappi). Natuwa si Trisa sa alaalang ito dahil ito raw ang huli niyong pagkikita.

Naalala mo nung huli tayong nagkita, noong isang taon ba yun? Tumatawid tayo sa Aurora, Cubao, kakagaling lang natin sa National Bookstore at isang kainan ng donut. Sabi mo sa akin, "Hindi ka tumatanda no? Ganon pa rin itsura mo mula dati.” Sige lang ako sa paglalakad hanggang sa nanggaling na rin mismo sa iyo na, “Uy, pareho tayo no? Hindi tayo mukhang matanda.” Hindi ka lang talaga makapaghintay diba? Plano ko namang ibalik ang papuri, gusto ko lang mag-ingat sa pagtawid. Nabanggit ko ito dahil si Trisa mas mukha pa ngang bumata. Nag-south beach diet daw siya tatlong buwan ang nakaraan at nabawasan siya ng 30 lbs. Wala akong masabi. Magkikita-kita ulit kami sa mga susunod pang araw. Nandoon nga rin pala si Sally! Oo, si Sally the Dog! Naku, tuwang-tuwa ako na makita siya. Nabanggit ko ba sa iyo na nung nagbalik-eskwela siya ay umupo siya sa isang klase ko?

Nagkaroon din ng auction. Dalawang bag na pinintahan ni Tweet ng mukha mo. Yung isa nakuha sa halagang 500 yung isa naman 1,000. Naks. Sabi ko sa kanya, igawa na lang niya ako, huwag na niyang hintaying mag-bid pa ko sa auction dahil wala naman akong pera. Oo raw. Panalo. Iniisip ko nga, eh kung hindi na lang kaya mukha mo ang ipinta niya, mukha ko na lang? Labas na rin lang sa auction bakit hindi pa natin lubusin. May Free Ericson Acosta shirt na rin na binebenta sa halagang 300. Naubos na nga yung pin. Sinubukan kong ibenta yung sa akin ng 200 pesos pero walang kumagat. Bigay lang sa akin ni Dennis yun nung presscon. Hay, ang saya talaga ng Acosta Universe! Punong-puno ang My Brother’s Moustache. Sukdulang orga-organisasyon ang dumalo! Masabi ko lang, nag-emcee ako. Baka akalain mo isa lang akong dakilang kwentista rito. Ang hindi ko lang maintindihan eh kung bakit ba lagi na lang emcee ang pinapagawa sa akin. Gayong alam ko at malamang alam mo rin ito, pwede rin naman akong umawit ah, o sumayaw pa nga. Pero okay na ko. Tse.

Bago ko makalimutan, may inabot si Ina Silverio na orihinal na ticket sa play na dinerehe mo—Monumento. Marso 1997 pa yun! Pinabigay niya kay Nato para ibigay sa mga magulang mo. Nandoon ang mga kasamahan mo sa Philippine Collegian, sila Mike, Amy, Jennifer, nabanggit ko na si Ina at Nova. Marami pang nandoon, mga kakilala mo at mga hindi mo kakilala pero kinikilala ka.

Nagkita kami ng inaanak ko nung presscon para sa kampanyang pagpapalaya sa iyo. Nakausap ko rin si Waway. Sinisingil nga ako ni Nanay Waway sa tagal ng hindi ko pagpapakita. Yun daw ang unang pagkakataon na malalaman ng inaanak ko ang tungkol sa pagkakahuli at pagkakakulong mo diyan. Nakikinig siyang mabuti, lalu na nung nagsasalita na ang lolo niya at ibinabahagi ang mga gantimpala, medalya at iba pang dangal na tinamo mo bilang estudyante. Alam mo hindi ko alam yun tungkol sa iyo ha. Ang ibig kong sabihin, alam ko namang matalino ka, napakatalas at lahat-lahat na. Pero bago sa akin na mula pala pagkabata mo ay meron ka nang ganoong moda. Congratulations.

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa inaanak ko. Nagulat na lang ako kasi nung kinakamusta ko siya at tinatanong kung meron ba siyang gusto para sa kanyang birthday na hindi ko napuntahan, bigla siyang nagbe-baby talk. Naisip ko, siguro depensa niya iyon laban sa lahat ng naririnig niya at kasalukuyan niyang nasasaksihan: “Sanggol lang ako, hindi ko ito naiintindihan, huwag kayong mag-alala, wala akong problema rito.” Mabigat yun sa akin at wala rin akong solusyon doon. Wala noon, wala pa rin ngayon.

Ganoon na lang talaga kabigat para sa mga anak ng mga detinidong pulitikal ang danas ng nahihiwalay sa magulang. Kaya dapat talagang gawing mas matindi ang ating panawagan laban sa represyong pulitikal at paglabag sa batayang karapatan ng mga naninindigan. Hindi pa ako naging ganoon kalapit sa isang aspeto ng danas ng mga bilanggong pulitikal. Iba pa ang sa iyo, iba pa ang sa anak mo, iba rin ang sa mga magulang at kaanak mo, iba rin yung sa amin ng mga kasama mo.

Wala akong dudang makakalaya ka. Sa pag-uusap namin hinggil sa iyong kaso, walang batayan ang pagkakakulong mo diyan. Tayo pa nga ang nasa posisyong maningil sa estado’t militar para sa ginawng iyan sa iyo. Absurdo man, pero gusto kong magpaumanhin sa iyo, na nandiyan ka sa kaarawan mo. Hindi ko kasalanang ikinukulong ka’t pinahihirapan ng mga pasista pero ganon ang pakiramdam. Para bang gusto kong sabihin sa iyo ngayong birthday mo, kung kaharap lang kita, "Pasensya ka na ha, tiisin mo na lang muna ito pero alam mo namang nilalaban natin ito at sa huli't-huli, magwawagi rin tayo."

Alam mo yung tanawin sa harap ko, kung saan ako tumitipak ng keyboard ngayon? Harapan ng Palma Hall Annex. Mahina ako sa mga pangalan ng mga halaman kaya hindi ko mababanggit dito kung ano-ano ang mga ito. Pero berde ang kalakhan ng kulay. Maulan kaya basa ang aspaltadong lupa. Mahangin kaya magalaw ang mga dahon. Pero bago ang mga iyan merong tatlong layers ng harang. Ang disenyong pakwadra-kwadrado sa gilid ng gusaling ito, ang babasaging bintana na halos singhaba ko at direkta sa harapan ko ay ang mga bakal na korteng diamond. Pwede na ba? Are we in sync? Ang problema ko lang may split-type na aricon dito, kaya fail!

Alam mo bang ka-birthday mo si Salvador P. Lopez? Ngayong araw ipinagdiriwang ang sentenaryo ng kanyang kapanganakan. May programa mamaya sa pangunugna ng isang komiteng pinanugnguhan ni Prop. Judy Taguiwalo. Malaki ang naging papel ni S.P. Lopez sa pagpapaluwang ng mga kundisyon sa pakikibaka ng mga aktibista noong Diliman Commune. Natitiyak kong nabasa mo rin ang matalas niyang akdang Literature and Society dahil nabanggit mo sa iyong blog na tulad ko, naging guro mo rin pala si Edel Garcellano. Nakatutuwang isipin na mayroon na akong kilalang dalawang mahuhusay at mabubuting anak ng bayan na magka-birthday.

Maligayang kaarawan, Eric. Hanggang sa muli.
S.

*sipi mula sa blog ni Ericson: May mali rin pala si Sarah Raymundo. Ang binabanggit niyang pinangunahan kong kantahin ng UP contingent sa makasaysayang mobilisayong anti-bases noong 1991 ay hindi “UP Naming Mahal” kundi “Bayan Ko.” May nakapagsabing ang mga patlang o ilang di-eksaktong tagpo sa alaala ay may ipinapahiwatig na kalusugan ng ating subconscious.Gusto kong maniwala rito para lamang sabihin na maging ang laylayan ng kamalayan ni Propesora Raymundo ay talagang may katalasan sa pulitika. Ang kilusang kabataang-estudyante ng UP ay hindi mahihinuha kung hindi kikilalanin bilang isang kilusang patriyotiko. Kaya’t ang “UP Naming Mahal” at “Bayan Ko” sa ganitong saysay, ay pawang iisa ang ispeling.

"Dahil Pa-expire Na ang Friendster" ni Bitoy Crisostomo

Grabe. Medyo naiinis ako kasi puro 'to late reposts kamakailan. Ngunit may mga magagandang dahilan naman kung bakit 'di ako makapag-online nang madalas (maliban sa wala akong pera para sa isang regular internet connection). Ibinabahagi ko ang isang online post ng isang matalik na kaibigan (at siya ay isa sa mga dahilang hinding-hindi ko makalilimutan ang summer na ito), madalas na kakulitan, at mabuting militanteng aktibistang si Victor Crisostomo o "Bitoy" para sa karamihan.  At bilang huling pagbati na rin sa kanyang rakenrol na ina, patuloy kang nabubuhay sa mga taong binibigyan mo ng inspirasyon, Ka Jeng. Pagpupugay!

eto yung mga lumabas nung ginoogle ko ang "jeng crisostomo". siyempre yung mga relevant sa buhay ko. hahaha (actually dalawa sila. igoogle niyo na lang yung isa. haha)

serious note: ating pagpugayan ang mga inalay ng mga dakilang martir. hindi lang si nanay/ka jeng kundi pati sina chit simbulan (kabiyak ni roland simbulan) at iba pa. sabi nga ng kanta, "it is not the matter of death." haha at patuloy na magtasa, magwasto at magsikhay para hindi masayang ang kanilang ambag sa pakikibaka!

birthday nga pala niya ngayong mayo 17. haha

Jeng Crisostomo: A Life Not Ordinary

by Alexander Martin Remollino Wednesday, Sep. 08, 2004 at 2:35 AM

(http://qc.indymedia.org/news/2004/09/1440.php)
Short sketch of the late Lourdes "Jeng" Crisostomo. This is lifted from the article "A Legacy of Activism," published in Bulatlat, October 13-19, 2002.

Lourdes “Jeng” Espiritu-Crisostomo is the campaign officer of the militant group Bayan.

Her membership in the Student Catholic Action while studying at the UP Integrated School (UPIS) exposed her early to poverty. In 1980, she joined the Student Christian Movement (SCM) when she was still a college sophomore. Among the major issues that confronted the students at the time was the proposed Education Act.

A month after she joined SCM, she attended her first rally. It was supposed to be held in Mendiola , the road leading to the presidential palace, but was violently dispersed upon reaching Legarda, the street before Mendiola. It was there that Crisostomo got her first taste of state brutality. It was not to be the last.

Two months later, during a lightning rally commemorating the declaration of martial law, she was arrested and detained. She was charged with the crime of inciting rebellion and spent three months at the Bicutan Rehabilitation Center. If detention was intended to make her swear off activism, the opposite happened. For at the time, also detained in Bicutan were Satur Ocampo, Pepe Luneta, Fidel Agcaoili, Nelia Sancho, and other personalities of the left.

After Crisostomo’s release, she helped the detainees and their families. She also decided to go full-time into organizing.

When her younger child however was diagnosed as having learning disabilities, Crisostomo decided to go back to school and took up education. She wanted to be able to more effectively reach out to her son by learning how to teach autistic children. She at first tried to do it by reading books on the subject and even went as far as working as a teacher aid in his school. The meager pay and her husband’s prodding finally convinced her to enroll formally at UP.
When her son had successfully reached a satisfactory level of competence, she went back to organizing. This time, among teachers. She was later invited to join Bayan in 2001 and now holds the campaign position, a job crucial to an organization like Bayan. With Aubrey SC Makilan





Che Guevara's Letters to His Mother

The following is a Facebook note tagged by one of my friends on Mother's Day. I wish I could write the same way to my own Mama. 

September 24 1955

Dear Mother

In time the Communist Party will be put out of circulation. Who knows what will meanwhile have become of your wandering son. Perhaps he will have decided to set up shop in his native country , or to begin a life of real struggle.

Perhaps one of the bullets so common in the Caribbean will put an end to my days (this is neither idle talk nor a concrete possibility: it's just that a lot of bullets fly around in these parts). Perhaps I'll simply keep wandering long enough to complete a solid education and take the pleasures I have awarded myself for this life, before seriously devoting myself to the pursuit of my ideal. Things develop with tremendous speed, and no one can predict where they will be next year and why.

I don't know if you got the formal announcement of my marriage and the [imminent] arrival of an heir. [He and Hilda Gadea married at Tepoztlan on August 1955.]

Chau. Kisses to all the family, and greetings from Hilda.

 
[apparently from prison]

Mexico City, July 15 1956


I am not Christ or a philanthropist, Mother; 2I fight for the things in which I believe, with the weapons in my reach, and I try to leave the other lying flat instead of letting myself be nailed to a cross. They will release Fidel Castro tomorrow, the head of the Movement. If this happens as they said, there would be just two of us left behind bars.

If I ever detect in myself that the sacred flame has given way to a timid votive flicker, the least I can then do is vomit over my own shit. As to your appeal for moderate egoism, that is, for common lily-livered individualism, I must tell you that I have done a lot to wipe him out - I mean, not exactly that unfamiliar spineless type, but the other bohemian type, unconcerned about his neighbour and imbued with a sense of self- sufficiency deriving from an awareness (mistaken or not) of my own strength. During these prison days and the period of training that preceded them, I have identified totally with my comrades in the cause.

I remember a phrase that once seemed to me idiotic or at least bizarre, referring to such a total identification among the embers of a fighting body that the very concept of the "I" disappeared and gave way to the concept of the "we". It was a communist morality and may, of course, appear to be a doctrinaire exaggeration, but in reality it was (and is) a beautiful thing to be able to feel that stirring of "we".

It is true that, after I have set wrongs [right] in Cuba, I'll go somewhere else; and it is also true that I'd be really done for if I were shut up in some bureaucratic office or allergy clinic. When all is said and done, though, it seems to me that this pain - the pain of a mother entering old age who wants her son alive - is a feeling that should be respected, a feeling that I have a duty to heed. I would like to see you, not only to comfort you but to comfort myself for my sporadic and unconfessable yearnings. Mother, I kiss you and promise to be with you if there is nothing new.

Your son, el Che

 
Mexico City, [probably November 15 1956]

Dear Mother

My long-term aim is to see something of Europe, if possible to live there, but that is getting more and more difficult. With the kind of illness I have, it seems to keep getting worse.

I had a project for my life which involved 10 years of wandering, then some years of medical studies and, if any time was left, the great adventure of physics.

Now that is all over. The only clear thing is that the 10 years of wandering look like being more (unless unforeseen circumstances put an end to all wandering), but it will be very different from the kind I imagined. Now, when I get to a new country, it won't be to look around and visit museums or ruins, but also (because that still interests me) to join the people's struggle.

Chau



(approximately October 1956)

Dear Mama

I would probably have more in common with a whale than with a bourgeois married couple employed at worthy institutions that I would wipe from the face of the earth if it was given to me to do so.

Previously I devoted myself for better or worse to medicine, and spent my spare time informally studying Saint Karl [Marx]. The new stage in my life requires me to change the order: now Saint Karl comes first; he is the axis and will remain so for however many years the spheroid has room for me on its outer mantle; medicine is a more or less trivial diversion. Next comes the tough part, The signs are good. They augur victory. But if they are wrong I think that I'll be able to say like a poet you don't know: "I shall carry beneath the earth only the sorrow of an unfinished song."

To avoid pre-mortem pathos, this letter will appear when things are really getting hot, and then you will know that your son, in a sun-drenched land of the Americas, is cursing himself for not having studied enough surgery to help a wounded man, and cursing the Mexican government that did not let him perfect his already respectable marksmanship so that he could knock over puppets with greater agility. The struggle will be with our backs to the wall, as in the hymns, until victory or death.

Again kisses, with all the affection of a farewell that refuses to be total. 

Your son

el Che


Tuesday, April 12, 2011

Itigil ang Pagsunog! Tutulan ang Demolisyon!



            Noong ika-11 ng Abril, 2011, isang maaliwalas na Lunes, muling nasunog ang Barangay Central.  Natupok ang 29 na kabahayan malapit sa PAG-ASA at nawalan ng tirahan ang mahigit-kumulang na 90 pamilya.  Ito ay ikalawa nang sunog matapos ang pangyayari noong ika-7 ng Pebrero ng parehong taon, at halos ‘di na mabilang na insidente ng pagkasunog sa mga barangay na nasasaklaw ng proyektong Quezon City Central Business District (QC-CBD).  Simula 2010 ay pinalalayas na ang mga residente sa North at East Triangle Areas at ipinalilipat sa Montalban, Rizal, isang napakalayong lugar na nakapuwesto sa “fault line” (unang tatamaan ng lindol o bagyo kapag gumuho ang lupa) at kung saan walang tubig, kuryente, at malinaw na kabuhayan.

           Maliban sa ‘di-makatarungang taktikang “voluntary demolition” ng National Housing Authority (NHA), kung saan kinukumbinsi nila ang mga residenteng kusang maggiba ng sariling bahay upang hindi maiipit sa legal na usapin ang NHA, nariyan din ang taktikang, “sunog.”  Ang sunog noong ika-7 ng Pebrero ay nagdulot ng kawalan ng bahay ng 4 000 pamilya sa Botanical Area, Brgy. Central.  At imbes na magpokus ang gobyerno sa pagtulong sa mga nasunugan at pag-abot sa kanila ng mga kagamitan upang itayong muli ang mga bahay, tila ginamit pa ng NHA ang pagkakataon para mapaalis sila at ilipat sa malalayong relokasyon.  Ang kumalat na balita sa komunidad, sanhi raw ng sunog ang paghugot ng hose mula sa tangke ng LPG at sadyang pagpapasindi sa tumagas na gas ng nag-aaway na mag-asawa.  Hindi kailanman ito nakumpirma ng awtoridad, gayunpama’y walang dudang misteryoso ang mga sirkunstansya.  Hindi malayo ang pagkakaiba sa natagpuang pusang amoy-gasolina malapit sa nasunog na mga kabahayan sa Brgy. Bagong Pag-Asa noong 2010.  At wala rin itong masyadong pinag-iba sa bulung-bulungang isang misteryosong pagsabog, ‘di-umano, ang nagdulot ng ikalawang sunog sa Brgy. Central noong ika-11 ng Abril.  May mga residente ring nagsabing may nakita raw silang isang lalaking may hawak na sulo.  Hindi imposible ang sadyang pagsunog, pagka’t ayon na rin sa karanasan ng aping maralitang lungsod, ito ang pinakamadaling paraan ng pagpapalayas.

           Kagaya noong Pebrero matapos ang unang sunog, noong gabi mismo ng ika-11 ng Abril, ay may pinadala na ang NHA na mga awtoridad upang harangin ang mga eryang nasunog nang sa gayon ay hindi pagtirikan ng bahay ng mga nasunugan.  Kukumbinsihin silang magpa-relocate sa Montalban, pumirma ng waiver, at magbayad buwan-buwan sa loob ng 30 taon para sa isang bahay na nasa fault line, walang kuryente, walang tubig, at wala ring malapit na kabuhayan.
Ang lahat ng ito ay mauugat sa ambisyosong QC-CBD, isang multi-billion joint project ng AyaIa Land Inc. (ALI) at NHA na may basbas ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon at ng mismong pangulong si Benigno “PNoy” Aquino III.  Bukod sa malakihang demolisyon at displacement ng mga nakatira sa pagtatayuan nito, kasama rin sa balangkas ng QC-CBD ang pagpapagawa ng University of the Philippines Diliman Science and Technology Park—na maaaring magdulot muli ng pagtataas ng matrikula dahil sa pribatisasyon ng nasabing unibersidad—ang pagsanib ng East Avenue hospitals bilang isang ospital na ang pokus ay “medical tourism,” ang pag-alis ng ilang government agencies sa North at East Triangles, at ang pagpapatayo ng maraming condominium, call center, shopping mall, park, at iba’t-iba pang malalaking business venture na ang makikinabang lang naman ay ang mga pribado at malalaking kumpanyang kikita ng bilyon-bilyong piso.

           Matapos ang pinakaunang pagtatangka ng mga awtoridad na mag-demolish, naitatag ang Contra-CBD, isang alyansa ng lahat ng kilusang masa at iba't-ibang mga organisasyon ng mga komunidad na nasasaklaw ng QC-CBD.  Tinatayang 122,000 na maralitang lungsod at libo-libong government employees sa North at East Triangles ang unti-unting pinapatay ng proyektong ito.  Pinapanawagan ng Contra-CBD na huwag tayong matakot sa mga nananakot at nanghaharang ng panirikan ng bahay.  Karapatan nating igiit na hindi makatarungan ang pagpapalayas ng NHA at pagpapadala sa mga residente sa malalayong lugar na walang seguridad at maayos na kabuhayan.  Itayong muli ang ating mga bahay!  Huwag maniwala sa mga panlilinlang ng NHA at ilang sektor ng pamahalaang lokal ng QC.  Barikadang Bayan ang solusyon sa pambubusabos na ito ng rehimeng Aquino, gaya ng ipinakita ng Sitio San Roque.

Itigil ang pagsunog!  Tutulan at labanan ang demolisyon!
Igiit at ipaglaban ang karapatan sa kabuhayan at paninirahan!
Tutulan at labanan ang pribatisasyon at malawakang tanggalan sa mga ahensya ng gobyerno at mga pampublikong ospital!
Ibasura ang makadyuhang proyektong QC-CBD!  Labanan ang programang Public-Private Partnership (PPP) ng kontra-maralitang Rehimeng US-Aquino!

CONTRA-CBD
KADAMAY│COURAGE│ANAKBAYAN│GABRIELA│BAYAN MUNA│AKSYON Central│SEPTEMBER 23 MOVEMENT│ANAKPAWIS│ETNA│KALIKASAN




Botanical Area, Brgy. Central, 7 Pebrero 2011 (kuha mula sa Pinoy Weekly)








TimeZone, Trinoma Mall, kuha mula sahttp://racoma.com.ph/archives/my-misadventure-at-timezone-trinoma

Monday, April 11, 2011

Kung 'Di Dahil sa Araw na 'To

Kung 'di dahil sa araw na 'to,
Malamang Jejemon ako
O baliw kay Justin Bieber (*nilunok ang isusuka*). 
Baka nga isipin kong
Totoong tao pa si Pink Floyd.


Kung 'di dahil sa araw na 'to,
Para 'kong nagsasambang aso
O galit sa mga manyak na pro-RH Bill (like, eeewwwww).
Siguro nagkukumpisal araw-araw
Tapos naka-"replay" pala mga kasalanan.


Kung 'di dahil sa araw na 'to,
'Nyeta, dilaw at liberal ako
O suki ng Facebook causes (pero hanggang dun lang ha).
Marahil nagsasambit ng "make"
Bago gumamit ng pandiwa (hal.: Are you gonna "make" punta here?).


Kung 'di dahil sa araw na 'to,
Tingin ko, wala akong paki
O meron naman, kaso iba priorities ko e (*balik sa paga-"update" ng status update*).
Tingin ko ata, okey lang naman
Kung maging Ayala University ang UP (baka magka-mall pa sa campus!).


Kung 'di dahil sa araw na 'to,
Chaka ang taste ko sa musika
O maniniwalang lahat ay nadadaan sa reporma (revise CARP , reform UNA, etcetera).
Sus, baka nga iwas pa'ko
Sa usapang Marxista (OMG!!!). 


Ang araw na 'to ay isang
Malaking ambag sa'king kamulatan.
Buti na lang sa araw na 'to, 
Pinanganak ang Numero Unong Lalaki sa buhay ko.


Papa, Maligayang Kaarawan!