Art Lesson #1: Ito’y panandang-bato sa ating laban para sa karapatan sa malayang pamamahayag. Sa kabila ng ating nagsasalungat na opinyon para o laban sa instalasyong “Poleteismo” ni Mideo Cruz, nakita natin ang pangangailangang magkaisa upang labanan ang intimidasyon, harasment at censorship. Ang pagsasara ng eksibisyon ay isang mapanganib na halimbawa para sa ating mga institusyon – pagsasara rin ito sa kritikal na pagkilatis at malusog na debate di lamang sa likhang-sining o eksibisyon, kundi maging sa mga isyung panlipunan na ipinahihiwatig at kaakibat ng likha at ng buong kontrobersya.
Art Lesson #2: Nagsara man ang CCP ay di mapipigilan ang pagbubukas ng makabuluhang talakayan hinggil sa sining, relihiyon, pulitika at lipunan sa iba’t ibang pamamaraan at lagusan. Ang samu’t saring opinyon at suri ay nag-uudyok upang tasahin ang kanya-kanya nating mga pananaw at aktitud, at ang repleksyon nito sa ating lipunan. Bilang mga artista ng bayan, nag-uudyok ang kalagayan upang patuloy na manindigan para karapatan sa artistikong pamamahayag, habang tinatasa at patuloy na hinahasa ang ating mga pananaw at kasanayan sa paglikha ng sining.
Art Lesson #3: Dapat ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag gaya ng pagtatanggol dito ng mga nauna sa atin. Ang laban para sa karapatan sa malayang pamamahayag ay pagtanggol sa sakripisyo ng mga artista ng bayan tulad nina Aurelio Tolentino, Amado V. Hernandez, Lino Brocka at marami pa na nanindigan laban sa marahas na censorship sa sining. Hindi natin nais na ang paglikha ng sining at malikhaing ekspresyon ay dumapa na lamang sa presyur at intimidasyon, gaya ng nanaig sa mapaniil na proyekto ng mga kolonisador at diktador sa ating kasaysayan.
Art Lesson #4: Ang laban para sa karapatan sa malayang pamamahayag ay hindi lang interes ng mga artista kundi alang-alang din sa kapakanan ng karamihan. Kaakibat nito ang hamon na labanan ang namamayaning kultura ng kamangmangan, takot, korupsyon, at impunity na kinukunsinti at tinutunton ng lipunan sa kasalukuyan, sa kabila ng pangakong “matuwid na daan.” Nakuhang magsalita ni Noynoy upang supilin ang “Poleteismo,” habang kakila-kilabot ang kanyang pananahimik sa mahahalagang isyu na bumabagabag sa mamamayan.
Patunay lamang ito na patuloy ang represyon at persekusyon sa sinumang sumalungat sa dominanteng pananaw, hindi lamang sa salita, kundi sa marahas na gawa. Nananatili ang pagpaslang o extrajudicial killings sa mga mamamahayag, aktibista, kabataan, manggagawa, magsasaka, taong-simbahan at iba pa. Nananatili sa likod ng rehas ang daan-daang bilanggong pulitikal, kabilang na ang mga alagad ng sining tulad nina Ericson Acosta, Maricon Montajes at Alan Jasminez.
Art Lesson #5: Nanatiling pribilehiyo ang art education and appreciation para sa iilan. Palasak sa lipunan ang artipisyal na kulturang masa, sensasyonalismo sa midya at mga anyo ng sining na kumukunsinti sa konsumerismo at kamangmangan. Patuloy na pinagkakait ng gubyerno ang abot-kaya at kalidad na edukasyon para sa lahat.
Hamon sa mga artista ang tumungo sa masa upang bigyang-buhay ang isang bagong kulturang makabayan, syentipiko, at tunay na kumakatawan sa interes at mithiin ng masa. Hamon sa mga artista ang maging mapagpakumbaba at matuto mula sa masa at maging matapat sa paghalaw ng inspirasyon mula sa kanilang buhay, upang likhain ang makabuluhang sining na kapaki-pakinabang sa masa at sa lipunan.
Hindi lamang art lessons ang mapupulot mula sa kontrobersya – mahahalagang aral ito sa panlipunang relasyon ng kapangyarihan at tunggalian sa kultura, pulitika at ekonomiya. Narinig na natin kung paano sila mangaral at mang-uto. Ang hamon sa atin sa kasalukuyan ay ang buksan ang ating mga kaisipan, upang patuloy na mag-aral at matuto. Maging kritikal, magkaisa at isulong ang isang bagong kultura.
UPHOLD FREEDOM OF EXPRESSION!
NO TO CENSORSHIP AND PERSECUTION!
END THE CULTURE OF IMPUNITY!
FIGHT FOR A NATIONALIST, SCIENTIFIC AND MASS-ORIENTED CULTURE!
photo from |
PALAYAIN ANG SINING!
No comments:
Post a Comment