*Larita Kutsarita - n. see THE AUTHOR
*Spoonfuls - n. articles/dispatches/scribbles by Larita Kutsarita
(Background photo by Aiess Alonso)

Saturday, May 28, 2011

"Para sa Kaarawan ni (Free) Ericson Acosta!" ni Sarah Raymundo

Eric!
Dahil sa puyatan kagabi gawa ng Acosta Universe fund raising concert para sa legal defense fund ng Free Ericson Acosta Campaign, gumising ako at gumawa ng mga regular na gawain sa isa na namang regular na araw na wala sa isip kong birthday mo ngayon! Kung hindi pa ako nagbukas ng facebook at nakita ang status ni Dennis na nagtulak sa akin para humalagapak sa tawa, na siya namang ikinagulat ng ibang kasama sa opisina, baka lumipas na ang araw na ito na tuluyan ko nang nakalimutan ang iyong kaarawan. Sabi ni Dennis, “Happy birthday Ericson Acosta, Palayain ang mga may birthday!” Siyempre mabigat ang birthday mo ngayon dahil nga nakakulong ka. Nung mga nakaraang taon, lumilipas lang naman yan na hindi ko namamalyan kaya wala ring ganitong drama.

Isa o dalawang lingo na ang nakalipas, nagtext si Arnold sa akin mula sa farm (literal na nasa farm siya at hindi kung ano pa mang farm) at binibida ang iyong blog, kung nabasa ko na ba ito, manghang-mangha siya rito, naa-agit, natutuwa, nabibilib, nagagalit, naaawa, sa madaling salita, nawawafaz. Kaya pinuntahan ko ang blogsite mo. Hindi iyon yung una kong pagbisita. Nadaan na ko doon pero hindi ako makatapos ng entry kasi ang lakas maka-crying lady ng moda doon. Hindi kinakaya ng pagkalalake ko. Chos. Gustong-gusto ko ang iyong sikoanalitiko at mapagbigay na interpretasyon sa aking maling alaala sa inyong inawit. Aba’y sino ba namang hunghang ang hindi matutuwang maiugnay sa pampulitikang katalasan ang kanyang paguulyanin, diba?* Nagpadala din sa akin si Boogie ng pagwawasto hinggil doon, sabi niya 1991 iyon, hindi 1992 (yun ang una kong naitala). Alam na alam niya ito dahil  mahalaga raw ang kaganapan na iyon para sa kanya. Sa huli naming palitan sa facebook, kinakamusta ka niya at nakikibalita sa iyong kaso.

Ang saya-saya ng Acosta Universe gig kagabi. Hindi ko naman masabing “sana nandoon ka” dahil kung wala ka diyan wala namang ganoong kaganapan. Gayunpaman, sana talaga nandoon ka. Ang huhusay ng mga umawit, yung iba mas mahusay pa nga sayo. Kagaya pa rin ng dati, nakakabilib talaga itong si Chikoy ng The Jerks. Tapos ang husay ng tambalan ni Nato at ni Dong Abay. Ang unang tinugtog nila ay Awit ng Peti B. Nakatitig ako kay Dong at namangha at napaluha rin ng kaunti dahil memoryado niya ang awiting ito. Siyempre nakakatuwang marinig ulit ang State U na si Dong mismo ang kumakanta. Lagi pa ring inaawit ng mga batang aktibista iyon dito sa Peyups. Umawit at nagitara rin si Levy Demetillo ng mga piyesa ni Joni Mitchell, Bob Dylan at Beatles. Bago umawit si Danny Fabella, nabanggit niyang nakatrabaho ka niya sa ilang gawaing kultural noong bandang 1999 hanggang 2001at inawit na niya ang mga matatalas niyang piyesa. Siyempre hindi mawawala sa mga ganitong okasyon si Koyang Jess Santiago, sumasabay pa nga kami sa pagkanta niya. Merong lang isa na hindi namin masabayan ni Dennis, tanong pa nga niya sa akin, anong kinakanta niya Japanese? Sagot ko, akala ko nga kanina Latin eh.

Nagbigay din ng mensahe ng pakikiisa at mariing nanawagan ang Pambansang Alagad ng Sining, si Propesor at Kasamang Bienvenido Lumbera. Bongga ang tugtugan ng Free Ericson Acosta Band. Oo, may ganon. Si Nato siyempre ang gitarista. Singers sina Birung na ngayon ay nagbabalik-loob na sa tunay niyang pangalang walang kasing ganda—Sarah at si Aki ng League of Filipino Students. Iba ang tama ng dalawang ito. Ang lalaki ng boses, buong-buo. Nakakalalake. Para silang sinapian ng kaluluwa ni Janis Joplin at Eddie Vedder. Inawit nila yung may lyrics na binabanatan ang VFA. Medyo napaiyak ako doon, kasi sobrang galing, alam mo yung mga pagkakataong naluluha ka gawa ng “awe”? Ganon. Pero dahil din sa biglang sumagi sa isip ko ang imahe mong inaawit yun noon, parang nakita ko yung pagpadyak mo, papikit-pikit at pagsabay ng iyong ulo sa beat. Miss na miss kita. (okay na? next...). Sumama rin si Balakid ng Sinag Bayan sa jamming na ito. Napakahusay niyang mag-rap sa pagitan ng mga titik ng awiting sinulat mo. Sa tantya naming lahat, siya na ang kinabukasan ng hip-hop sa mundong ibabaw. Ganon siya kabangis. Isang nagngangalang Atty Baybay na isa ring folk singer ang nag-alay ng mga awitin para sa iyo. Hindi ka raw niya personal na kilala pero nakikiisa siya. Folk singer siya na may regular gig sa My Brother’s Moustache tuwing Lunes. Mehn, para siyang pinaghalong Beatles at James Taylor. Yung kanta ng Beatles aawitin niyang mala-James Taylor. Iba din siya eh, noh? Mawawala ba naman si Babez sa lahat ng eksenang ito? May kasama siyang iba pang musikero na tumugtog ng buong husay sa mga awitin ng bandang Anak ni Aling Juana. Naaalala mo pa dati, binansagan mo akong Chona (na may konotasyong malandi o kerengkeng) habang nag-aabang tayo ng dyip sa tapat ng Vinzons tapos biglang dumating si Babez at pinakilala mo siya sa akin bilang Chimini (sa pelikula sa utak mo, alalay o muchacha mo siya). At ikaw naman si George, ayon din sa iyo.

Kung hindi ka pa nakulong at hindi pa inilunsad ang Free Ericson Acosta Campaign hindi na siguro kami magkikita nina Nova at Trisa. May panahon sa buhay ko na pakiramdam ko hindi ko kayang mabuhay ng wala si Nova. Hindi naman sa nain-love ako sa kanya, hindi rin naman sa walang kwenta sa akin si Trisa. Meron lang talagang mga ganong sentimyento. Ang panganay ni Nova na inaanak ko (ikaw rin ba?) ay magfi-first year high school na sa Philippine Science. Napabulalas ako “Aba matalino!” Tawang-tawa ako sa suspetya ni Trisa. Sabi niya, “Sa palagay ko may kinalaman yan sa librong niregalo ko sa kanya nung maliit pa siya...” At binanggit niya ang titulo ng libro at naaalala pa rin ito ni Nova. Ayoko namang magpahuli, ninang din ako noh, bakit ba. Kaya sabi ko, hindi, sa tingin ko mas epekto yan nung una at huli kong regalo kay Wishy, isang malaking laruang truck na binili nating dalawa sa Hi-Top ba o Glory's (na Save More na ngayon) bago tayo tumungo sa dating bahay nila Nova. Kasama natin noon si Trisa at ang dati niyang boyfriend na ngayon ay asawa na niya (kaya hindi ito si Richard Gappi). Natuwa si Trisa sa alaalang ito dahil ito raw ang huli niyong pagkikita.

Naalala mo nung huli tayong nagkita, noong isang taon ba yun? Tumatawid tayo sa Aurora, Cubao, kakagaling lang natin sa National Bookstore at isang kainan ng donut. Sabi mo sa akin, "Hindi ka tumatanda no? Ganon pa rin itsura mo mula dati.” Sige lang ako sa paglalakad hanggang sa nanggaling na rin mismo sa iyo na, “Uy, pareho tayo no? Hindi tayo mukhang matanda.” Hindi ka lang talaga makapaghintay diba? Plano ko namang ibalik ang papuri, gusto ko lang mag-ingat sa pagtawid. Nabanggit ko ito dahil si Trisa mas mukha pa ngang bumata. Nag-south beach diet daw siya tatlong buwan ang nakaraan at nabawasan siya ng 30 lbs. Wala akong masabi. Magkikita-kita ulit kami sa mga susunod pang araw. Nandoon nga rin pala si Sally! Oo, si Sally the Dog! Naku, tuwang-tuwa ako na makita siya. Nabanggit ko ba sa iyo na nung nagbalik-eskwela siya ay umupo siya sa isang klase ko?

Nagkaroon din ng auction. Dalawang bag na pinintahan ni Tweet ng mukha mo. Yung isa nakuha sa halagang 500 yung isa naman 1,000. Naks. Sabi ko sa kanya, igawa na lang niya ako, huwag na niyang hintaying mag-bid pa ko sa auction dahil wala naman akong pera. Oo raw. Panalo. Iniisip ko nga, eh kung hindi na lang kaya mukha mo ang ipinta niya, mukha ko na lang? Labas na rin lang sa auction bakit hindi pa natin lubusin. May Free Ericson Acosta shirt na rin na binebenta sa halagang 300. Naubos na nga yung pin. Sinubukan kong ibenta yung sa akin ng 200 pesos pero walang kumagat. Bigay lang sa akin ni Dennis yun nung presscon. Hay, ang saya talaga ng Acosta Universe! Punong-puno ang My Brother’s Moustache. Sukdulang orga-organisasyon ang dumalo! Masabi ko lang, nag-emcee ako. Baka akalain mo isa lang akong dakilang kwentista rito. Ang hindi ko lang maintindihan eh kung bakit ba lagi na lang emcee ang pinapagawa sa akin. Gayong alam ko at malamang alam mo rin ito, pwede rin naman akong umawit ah, o sumayaw pa nga. Pero okay na ko. Tse.

Bago ko makalimutan, may inabot si Ina Silverio na orihinal na ticket sa play na dinerehe mo—Monumento. Marso 1997 pa yun! Pinabigay niya kay Nato para ibigay sa mga magulang mo. Nandoon ang mga kasamahan mo sa Philippine Collegian, sila Mike, Amy, Jennifer, nabanggit ko na si Ina at Nova. Marami pang nandoon, mga kakilala mo at mga hindi mo kakilala pero kinikilala ka.

Nagkita kami ng inaanak ko nung presscon para sa kampanyang pagpapalaya sa iyo. Nakausap ko rin si Waway. Sinisingil nga ako ni Nanay Waway sa tagal ng hindi ko pagpapakita. Yun daw ang unang pagkakataon na malalaman ng inaanak ko ang tungkol sa pagkakahuli at pagkakakulong mo diyan. Nakikinig siyang mabuti, lalu na nung nagsasalita na ang lolo niya at ibinabahagi ang mga gantimpala, medalya at iba pang dangal na tinamo mo bilang estudyante. Alam mo hindi ko alam yun tungkol sa iyo ha. Ang ibig kong sabihin, alam ko namang matalino ka, napakatalas at lahat-lahat na. Pero bago sa akin na mula pala pagkabata mo ay meron ka nang ganoong moda. Congratulations.

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa inaanak ko. Nagulat na lang ako kasi nung kinakamusta ko siya at tinatanong kung meron ba siyang gusto para sa kanyang birthday na hindi ko napuntahan, bigla siyang nagbe-baby talk. Naisip ko, siguro depensa niya iyon laban sa lahat ng naririnig niya at kasalukuyan niyang nasasaksihan: “Sanggol lang ako, hindi ko ito naiintindihan, huwag kayong mag-alala, wala akong problema rito.” Mabigat yun sa akin at wala rin akong solusyon doon. Wala noon, wala pa rin ngayon.

Ganoon na lang talaga kabigat para sa mga anak ng mga detinidong pulitikal ang danas ng nahihiwalay sa magulang. Kaya dapat talagang gawing mas matindi ang ating panawagan laban sa represyong pulitikal at paglabag sa batayang karapatan ng mga naninindigan. Hindi pa ako naging ganoon kalapit sa isang aspeto ng danas ng mga bilanggong pulitikal. Iba pa ang sa iyo, iba pa ang sa anak mo, iba rin ang sa mga magulang at kaanak mo, iba rin yung sa amin ng mga kasama mo.

Wala akong dudang makakalaya ka. Sa pag-uusap namin hinggil sa iyong kaso, walang batayan ang pagkakakulong mo diyan. Tayo pa nga ang nasa posisyong maningil sa estado’t militar para sa ginawng iyan sa iyo. Absurdo man, pero gusto kong magpaumanhin sa iyo, na nandiyan ka sa kaarawan mo. Hindi ko kasalanang ikinukulong ka’t pinahihirapan ng mga pasista pero ganon ang pakiramdam. Para bang gusto kong sabihin sa iyo ngayong birthday mo, kung kaharap lang kita, "Pasensya ka na ha, tiisin mo na lang muna ito pero alam mo namang nilalaban natin ito at sa huli't-huli, magwawagi rin tayo."

Alam mo yung tanawin sa harap ko, kung saan ako tumitipak ng keyboard ngayon? Harapan ng Palma Hall Annex. Mahina ako sa mga pangalan ng mga halaman kaya hindi ko mababanggit dito kung ano-ano ang mga ito. Pero berde ang kalakhan ng kulay. Maulan kaya basa ang aspaltadong lupa. Mahangin kaya magalaw ang mga dahon. Pero bago ang mga iyan merong tatlong layers ng harang. Ang disenyong pakwadra-kwadrado sa gilid ng gusaling ito, ang babasaging bintana na halos singhaba ko at direkta sa harapan ko ay ang mga bakal na korteng diamond. Pwede na ba? Are we in sync? Ang problema ko lang may split-type na aricon dito, kaya fail!

Alam mo bang ka-birthday mo si Salvador P. Lopez? Ngayong araw ipinagdiriwang ang sentenaryo ng kanyang kapanganakan. May programa mamaya sa pangunugna ng isang komiteng pinanugnguhan ni Prop. Judy Taguiwalo. Malaki ang naging papel ni S.P. Lopez sa pagpapaluwang ng mga kundisyon sa pakikibaka ng mga aktibista noong Diliman Commune. Natitiyak kong nabasa mo rin ang matalas niyang akdang Literature and Society dahil nabanggit mo sa iyong blog na tulad ko, naging guro mo rin pala si Edel Garcellano. Nakatutuwang isipin na mayroon na akong kilalang dalawang mahuhusay at mabubuting anak ng bayan na magka-birthday.

Maligayang kaarawan, Eric. Hanggang sa muli.
S.

*sipi mula sa blog ni Ericson: May mali rin pala si Sarah Raymundo. Ang binabanggit niyang pinangunahan kong kantahin ng UP contingent sa makasaysayang mobilisayong anti-bases noong 1991 ay hindi “UP Naming Mahal” kundi “Bayan Ko.” May nakapagsabing ang mga patlang o ilang di-eksaktong tagpo sa alaala ay may ipinapahiwatig na kalusugan ng ating subconscious.Gusto kong maniwala rito para lamang sabihin na maging ang laylayan ng kamalayan ni Propesora Raymundo ay talagang may katalasan sa pulitika. Ang kilusang kabataang-estudyante ng UP ay hindi mahihinuha kung hindi kikilalanin bilang isang kilusang patriyotiko. Kaya’t ang “UP Naming Mahal” at “Bayan Ko” sa ganitong saysay, ay pawang iisa ang ispeling.

No comments: