Hindi madali ang mga nakaraang araw. Minsan, gusto ko na lang matulog buong maghapon at managinip bilang pagtakas sa tunay na mundo. Ngunit kahit ang mga panaginip ko ay binibisita pa rin ng mga imahe ng isang panot na bumubula ang bibig, may suot na salamin, at mayabang magsalita, complete with an affected tone of speaking na para bang nagmo-monologue parati. Wala akong personal na galit sa kasalukuyang pangulo ng Pilipinas, pero paggising ko mula sa partikular na panaginip na iyon, mabilis ang tibok ng aking puso at nagngangalit ang damdamin ko buong araw. Kung hindi si Noynoy ang napapanaginipan ko, karamihan naman ay masasaklap at kahindik-hindik ang mga tema nito. Ang mga nagdaang linggo ay isang serye ng pasulpot-sulpot na mga bangungot na tila bang ang realidad ay pilit na pinanghihimasukan ang aking sinadyang pagkalimot.
Sinikap kong bigyang-lunas ang personal kong pagkabagabag. Tumungo ako sa Sitio San Roque nang sila ay maglunsad ng Barikadang Bayan laban sa demolisyong ipinatupad ng lokal na gubyerno ng Quezon City at National Demolishing, este, Housing Authority (NHA). Syempre, may basbas din ito ni Noynoy at ni Gloria Macapagal-Arroyo noong siya rin ang namuno sa kanyang pagkahaba-habang rehimen. Malaki raw kasi talaga ang utang na loob ng kahit na sinong presidente ng reaksyunaryong adminstrasyon sa mga Ayala, ang nangunguna sa pagsulong sa Quezon City Central Business District (QC-CBD) project, kung saan idi-displace ang maraming komunidad sa nasabing lungsod upang pagtayuan ng kung anu-anong business establishment gaya ng mga parke, condominium, mall, atbp. Kabilang na rito ang UP-Ayala Land na mistulang dinudusta ang Unibersidad ng Pilipinas sa mga naglalakihang gusali at parking space nito, samantalang ang mga gusali at pasilidad ng UP ay kulang-kulang at unti-unting lumulubha ang kundisyon; samantalang ang mga estudyante ng School of Library and Information Studies ay umaakyat pa sa ikatlong palapag ng Main Library dahil wala silang sariling building para sa kanilang mga klase.
Oras ng paghakbang ko sa kahabaan ng Agham Road, bumalik sa akin lahat ng pagsisikap ng UP Sining at Lipunan (SILIP) at iba pang progresibong mga samahan sa pago-organisa at pagsulong ng anti-demolisyong laban kasama ang mga maralita simula pa noong 2010. Iba talaga 'pag bumabalik sa komunidad. Kalunos-lunos ang pagkakaiba ng mga uri sa eskwelahan at sa pinakamahihirap na bahagi ng kalungsuran. Iba ang mga amoy, iba ang lagkit ng pawis sa init ng araw, iba ang lagkit ng balat matapos maulanan, at syempre, ibang-iba ang mga tanawin. Kung sa paaralan, paghawak mo pa lang ng mikropono--upang talakayin ang mga kanser sa lipunan at alternatibong mga panlunas dito--ay hindi ka na papansinin at minsan ay makakarinig ka pa ng "Opposition to the state is disrespect of others' views" (or something to that effect), sa komunidad, nakangiti na agad sila pagka-inabutan mo sila ng polyeto. Mas bukas ang mga tao roon sa pagbalikwas. Palibhasa, mas konkreto roon ang mga sinasabi nating "imperyalismo," "pyudalismo," at "burukrata-kapitalismo." Hindi man nila gagap pa ang mga konseptong ito, alam nilang ang kanilang almusal, tanghalian, at hapunan ay nakadepende sa mga katagang iyon, mayroon mang nakahaing pagkain o wala. Sabi nga ng utol ko, "malapit sa bituka e." Ang sarap bumalik sa batayang hanay ng masa. "Masarap" sa diwang nakabubuhay ito ng alab dahil nandoon na lahat ng kahirapan sa harap mo, ang lahat ng rason upang makibaka. Hindi kailangan ng propagandang ahitasyon. Ang simpleng paningin, pang-amoy, pandinig, panlasa, at pandama ay sapat na upang mamulat nang paulit-ulit. Paulit-ulit. Ngunit ang masaklap dito, kailan ba matatapos ang lahat ng paghihirap na ito sa harap ko? Kailangan pa bang umabot sa pagkakataong mayroon akong masaksihang naga-agaw- buhay dahil sa demolisyon, o pagtapyas sa badyet ng mga panlipunang serbisyo?
Hindi kasi kahiwalay sa budget cuts on social services ang isyu ng kahirapan ng Pilipinas. Nakakaasar nga ang salitang "isyu" kasi parang lumiliit ang mga kahulugan ng mabibigat na termino gaya ng "kahirapan." Sabi, mas priyoridad ng kasalukuyang administrasyon (at kahit ng mga nakaraan pa) ang bayad-utang. Naalala ko noon si Moochie, isa ring myembro ng SILIP na nagtatrabaho na ngayon para sa IBON Foundation. Kinompyut daw niya ang projected na total ng mga utang ng Pilipinas sa World Bank. Kahit tatlong daang taon pa raw ang lumipas, hinding-hindi natin ito mahahabol kahit na magpatupad pa tayo ng patung-patong na neyoliberal na mga polisiya (gaya ng pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, pagkaltas sa badyet ng mataas na paaralan, atbp.). Hindi pa rito kabilang ang mga utang at pangungurakot ng pondo ng gobyernong lingid sa kaalaman ng publiko. Sabi rin, mas priyoridad ng kasalukuyang administrasyon (at kahit ng mga nakaraan pa) ang miltar, kung kaya't may bago (na hindi naman kabaguhan) tayong warship at bibili raw ng choppers para sa Armed Forces of the Philippines. Umabot ba naman ng halos isang trilyon ang pondong ibinigay rito. Oo, alam kong nasa gitna ng isang halos 'di-pansing giyerang sibil ang Pilipinas, pero sukdulan naman ang katakawan nilang patayin ang insurhensya. Mabuti naman kung masasamang tao talaga ang kanilang pinagpapapatay na parang mga ipis, dinudukot at itinatagong sapilitan, at ipinapatapon sa mga selda samantalang nakukuha pa ng mga Ampatuan at Leviste na makalabas ng kulungan. Ang mga katulad nina Angie Ipong, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan, Ericson Acosta, at isa ring SILIP member na si Maricon Montajes ay ang pinakamababait, masisipag, at makabayang taong nakilala ko. Hindi ko man nakilala nang personal ang iba sa kanila, damdam ko ang kanilang mga naiwang bakas sa kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay. "Hindi krimen ang magsilbi sa bayan," wika nga ni Nanay Angie.
Bakit nga ba napakadali mandahas ng estado? Parang wala silang takot sa masang Pilipino. Lahat na lang binabanatan nila: magsasaka, manggagawa, maralitang-lungsod, estudyante, mga babae, lalo na ang Nanay ko. Isa siyang dedikadong empleyado ng gubyerno, ngunit nagawa siyang alisan ng sweldo dahil lang sa mga sabi-sabi. Nagagalit ako kapag naiisip ko ang mga nang-api sa Nanay ko, sa mga nanggagahasa ng mga Pilipinong dalaga sa Clark, sa mga nagpapatupad ng mga polisiyang nagpigil sa sangkapat ng UPCAT passers na hindi makapasok sa tinaguriang premier state university para sa mga matatalinong dukha, sa mga nagpapapatay ng mga lider ng unyon ng malalaking pagawaan, sa isang angkang halos ipakain sa atin ang kulay na dilaw at ugat ng halu-halong samyo ng asukal at dumanak na dugo sa Hacienda Luisita.
Galit ako. Galit na galit. Ngunit ibang klaseng galit. Hindi 'yung tipong kusang mawawala pagka-sinuntok mo ang pader, o may sinigawang makulit na kapatid, o may minurang natapakang tae. Hindi rin ito madaling napapawi ng isang tetrapak ng Choc-O, o isang episode ng Banana Split Clown in a Million kung saan sunud-sunod na nanalo ang UP Repertory. Ito 'yung galit na gawa ng ating uri, ng ating pagpapahalaga sa kaibahan ng tama o mali, ng ating kakayahang humubog ng kasaysayan. Minsan, nakakaiyak ang liyab sa loob, pero walang kinalaman ang emosyon dito. Dahil sa harap ko, mas marami ang nagugutom na mga aktibistang kaya pa ring tumawa, mas maraming nanay ang halos magputa na lang, mapakain lang ang kanilang mga anak, ang mga Pilipinong namamatay sa bulok na sistema ng isang estadong walang puso--sandali man o paunti-paunti, sa baril man o sa kaltas sa badyet ng mga serbisyong dapat ay bumubuhay sa kanila.
At habang naglalakad kami ni Charley (isa ring myembro ng SILIP) sa harap ng Palma Hall upang hintayin ang bandang Franco na mag-perform, laking-gulat na lang namin nang aming matuklasang ang concert na sine-set up pala ay para sa kampanya sa pagboto ng Undergorund River ng Puerto Princesa, Palawan bilang susunod na world wonder. Malaki ang produksyon at sari-saring mukha ng mga lokal na artista sa showbiz ang nagsasalita sa malaking LCD screen ukol sa Puerto Princesa. Sa gitna ng kabi-kabilang represyon sa mga estudyante, guro, at kawani ng UP Diliman, nagawa ng ilang mga grupo sa UP na maglunsad ng isang pagdiriwang na halos ipalimot sa Iskolar ng Bayan na siya ay api. Hayun, sa Palma Hall, paulit-paulit na ipinalabas ang video ni Noynoy na naka-maong na pantalon at T-shirt na ine-endorso ang sikat na kweba at ilog ng Palawan. May ilan pang fratmen ang naghiyawan sa tuwa sa panunuod sa kanya. Muntik na akong lumuha. Napakalaking sapak ang aking naramdaman. Malaki pa talaga ang kailangang makamit, masinop na trabaho pa ang kailangang gawin. Hindi lang sa Nationwide Strike magtatapos ang lahat ng tunggalian. Malayo-layo pa ang lakarin. Ang importante, patayin man nila tayo, bombahan ng tubig, alisan ng pondo, o hapagan ng isang mapanlinlang na palabas na mas lalo pang nagpapalalim ng sugat na dulot ng Kapitalismo at Imperyalismo, naroroon pa rin ang ating puhunan: ang ating poot at walang katapusang giliw sa pag-aaral, pag-oorganisa, at pagmomobilisa. Ang pagkamulat at pagmulat ay siklikal at papalaki at papalalim.
Hinding-hindi tayo dapat sumuko dahil walang ibang daan kundi ang pasalungat. Kahit pa tayo'y tumakas, ang lahat ng ibang daan ay tungo rin lang sa serye ng pasulpot-sulpot na mga bangungot. At ang paraan upang tunay na magising ay ang huwag makalimot at mas paghusayan ang pagpapaalala sa lahat ng mamamayang Pilipino: Hindi tayo malaya.
Pahabol: Kung nais ninyong mas maunawaan at pag-aralan pa ang dinaranas ni Juan, huwag mahiyang lumapit sa UP SILIP at iba pang mga kolektib ng mga artista, pangmasang organisasyon, at pambansa-demokratikong grupo. Mabait naman kami/sila. Libre ang mga fora, pelikula, kapihan ('pag may badyet), tawanan, at kwentuhan. Bonus pa roon ang basic mass integrations na inilulunsad sa iba't-ibang komunidad. Mas bet 'to kesa mga donation sa foundations na hindi mo naman alam kung talagang may kabuluhan ang pera n'yo. Huwag matakot magtanong, mangahas, at makibaka. Ang lahat ng pinaka-signipikanteng mga pangyayari sa kasaysayan ay bunga ng sama-samang pagkilos. Madali kaming makita sa mga lobby ng inyong mga kolehiyo, sa kalsada, sa klasrum. Basta, nagkalat lang diyan. Kitakits!
IJM Workers' Union: The ABS-CBN Workers' 6-month Picket that No TV Network Dared to Air |
IJM Workers' Union: The ABS-CBN Workers' 6-month Picket that No TV Network Dared to Air |
31 Agosto 2011 Barikadang Bayan sa San Roque: "Pader" |
Papitik-pitik sa Brgy. Central. Kuha ni Thomas Benjamin Banaria Roca. |
No comments:
Post a Comment