*Larita Kutsarita - n. see THE AUTHOR
*Spoonfuls - n. articles/dispatches/scribbles by Larita Kutsarita
(Background photo by Aiess Alonso)

Friday, February 11, 2011

Para kay Rain Sindayen, sa mga Aktibista, at sa mga Nagpapanggap na Aktibista ni Cristina Giba Guevarra

Medyo huli ako sa balita at kamakailan ko lang nabalitaan ang sinasabi nilang black propaganda tungkol kay Rain. Nalinawan ako nang konti nang mabasa ko ang Collegian issue ngayong araw, na tungkol pala ito sa academic standing niya.


Kung tutuusin, hindi na bago ito sa mga institusyon ng estudyante. Mula sa USC hanggang sa OSR, ginagawang salalayan ng competence at kakayahang mamuno ng isang lider estudyante ang katayuan niya sa acads. Mahalaga umano lagi sa kanila ang kakayahang balansehin ang academics at pagsisilbi sa mga estudyante, at siguro sa bayan na rin (siguro dahil hindi naman ito lagi malinaw sa mga posisyon nila).


Pero nagulat ako, at sa kabilang banda ay natawa. Natawa dahil aba, si Rain ay may isyu sa acads? Paano, tandang-tanda ko ang unang pagkakakilala ko sa kanya – si Rain, ang estudyante at aktibistang hindi mabitawan ang libro sa Biology sa panahong abalang-abala ka sa isyu ng tambayan sa CSSP at kahit hanggang nasa USC na siya.


May mga ilang huntahan kami  na naaalala kong nagsasabi siya kung gaano siya ka-busy ngayon dahil may exam sa ganito at may paper sa ganoon, habang naglalarga ng consultations, all leaders meeting at iba pa sa kolehiyo. Sa kolehiyo pa nga lang iyon. Nang nasa USC  na, may ilang pagkakataon na nagkatalakayan din kami hinggil sa gawain sa USC. Natawa lang talaga ako sa minsang sinabi niya na hindi  na siya masyado nagtse-check ng facebook dahil busy. Sa pagka-adik ng marami sa FB (at hindi ligtas ang mga aktibista dito), matutuwa ka sa mga taong okey lang na hindi mag-check ng FB dahil maraming gawain.


Sa isang banda, nang malaman ko ang isyu, di ako nagulat na bagamat chairperson siya ng USC ay haharap din siya sa ganitong usapin. Kahit na ayaw niya pang bitawan ang Biology book mo dati, darating at darating sa puntong ilalapag mo ito sandali para tumangan ng mas mabibigat na dalahin. Pero sino ba ang gustong maging delingkwente sa academics? Kung ikaw ang tatanungin, sigurado akong nag-ambisyon din siya ng maraming bagay para sa sarili pagpasok mo ng UP, kagaya ng sinuman sa atin.


Pero heto tayo, sa isang panahon ng ating kasaysayan na tinatawag tayong maging kabataan ng ating panahon. Iyong tipong di ka mapapakaling nakaupo ka sa loob ng klasrum habang ginigiba ang bahay ng maralita, o kaya nama’y pinapalayas ang mga magsasaka sa lupang kanilang sinasaka. Na kahit na may klase ka o may kailangang habuling requirement, makikinig ka sandali sa programa at protesta sa AS lobby o saanmang lugar sa kampus.


Ito ang pilit nilang pinapakitid, ang kahulugan ng pagiging isang lider estudyante at ang kabuluhan ng pagbasag sa araw-araw at “normal” na routine ng pagpasok sa klase at pag-abot ng mga rekisitos para maka-gradweyt. Ito ang ibinabato nila sa panahong bagamat hindi nating inaasam na sa isang walkout lang ay mapipigil na natin ang budget cut, ay naniniwala tayong bawat pagkilos na tayo ay nagsasama-sama, itinatayo natin ang isang muog ng pagkakaisa laban sa mga kaaway ng kabataan at mamamayan.


Kapag nasa piling ng masa ang mga aktibista – magsasaka man, manggagawa o maralitang lungsod – hindi miminsang sasabihin nila sa iyo kung paano sila humahanga sa mga estudyanteng sumusuporta sa laban nila. Minsan nga dyahe, kasi kapag sinabi mong taga-UP ka, nalilipat ang atensyon nila sa kung paanong mga matalino lang (daw) ang nakakapasok sa UP, kung ano ang kurso mo, ano ang magiging trabaho mo balang araw – kaysa pag-usapan ninyo ano ang isyung kinakaharap nila.


Pero higit na paghanga ang ipinapahayag nila sa kabataan na mas pinipiling makipagkapit-bisig kasama nila sa halip na isulong ang mga personal na karera.


Hindi ko ipinagtatanggol ang pagiging delingkwente. Dahil kahit kailan naman, hindi pagiging delingkwente ang pagliban sa klase o pagsasaalang-alang ng sariling acads para sa kapakanan ng mas marami.  Hindi delingkwente ang kaunting sakripisyo, ng pagsalungat sa mistulang payapang kaayusan na ikinukubli naman ang pang-araw-araw na karahasan ng pagkakait ng karapatan, ng paghahari ng iilan at ng kawalang pag-asa na mababago pa ang kasalukuyang kalagayan.


Hindi ba nila naiisip, anong tuwa ng mga nasa kapangyarihan at nasa awtoridad sa mga nagsasabing hoy, mga estudyante mag-aral na lang kayo. Kung walang sumalungat, masisimulan ba ang paglaban? Kung lahat na lang ba ng bagay ay itinuring nating normal, makikita ba natin ang kabalintunaan?


Ang sinasabi nila’y pagbabalanse, darating at darating ang panahong pipili ka ng isa, ng higit na matimbang sa isang panahon. Ang hirap kasi sa sa kanila, nasanay sila na okey lang ang mga paninindigang gitna, dahil iyon daw ang balanse. Pwede ka bang manindigan laban sa budget cut nang sinasabi ring kailangang kumita ng unibersidad ng pera? Pwede ka bang magpahayag ng suporta sa mga magsasaka na ng Hacienda Luisita nang hindi tinutuligsa ang sistematikong pagkakait ng lupa sa mga magbubukid? Lahat na lang ba case-to-case basis, kagaya ng pagiging aktibista nila?


***
Kahit para na lang sa lahat ng martir ng kabataan at mamamayan, pwede bang huwag na nilang gamitin ang salitang aktibista kung gagamitin lang nila ito para masabing karapat-dapat silang iboto? Walang kahiya-hiya nilang nasasabi ito ngunit nagkakasya sila sa paglalabas ng statement at lip service na tutol kami sa ganito at pabor kami sa ganyan. Para na silang nagsasanay ng mga future trapo. Sabagay, hindi pa nga ba?


Gayon na lamang nila libakin ang mga aktibista. Gayon na lamang nila ipagdikdikan ang usapin ng academic standing nang pantay sa pagiging lider estudyante. Pero heto, lahat na lang biglang hayagang tutol sa budget cut, sa MRT/LRT fare hike. Lahat kritikal na kay Noynoy. O sige, maaaring totoo. Pero paano nila ito pinanindigan, at paano sila kumilos para sa mga sinasabi nilang paninindigan nila. Doon tayo magtimbangan, doon tayo magtuos. Kung sila kaya ang namuno sa mga laban para sa karapatan sa edukasyon, sa samu’t saring UP community, sa iba’t ibang sektor ng lipunan, naka-perfect attendance kaya sila? Sa tingin ko’y hindi.


***


Naalala ko si Sir Monico Atienza. Nang mag-enrol ako sa kanya sa PI 100, eksaktong summer iyon na dine-demolish ang isang komunidad sa UP. Sinikap kong pumasok, pero may mga pagliban pa rin. Sa mga panahong nakakapasok naman ako, hindi niya ako pinaligtas na hindi magpaliwanag at magtalakay sa mga paksa sa klase, at sa mga pinakamaiinit na isyu ng panahon. May isang beses pa nga na tinatawag na pala niya ako pero kailangan pa akong tapikin ng katabi ko dahil nakatulog na ako sa likod ng klasrum.


Dahil tumindi ang sitwasyon sa komunidad, at kailangang mas mahigpit na suportahan ang pagkakaisa ng mga maralita, di na ako pumasok sa susunod na hati ng klase. Nagkita kami nang tapos na ang summer. Binigyan niya ako ng incomplete, pinagawa ng papel na kulang ko, at sa harap ko’y naglagay ng gradong 1.75 sa aking classcard sabay sabing, “hindi man kita laging nakikita, alam kong ginagawa mo naman ang lahat para maglingkod sa masa.”


Huhusgahan tayong lahat ng kasaysayan. Ngunit sana, sa eleksyong ito, husgahan ng mga mag-aaral ang mga kandidato sa ganitong paraan. Dahil ngayon higit kailanman, ang magbubunsod ng pagbabago ay hindi ang ating maningning na academic record sa pamantasan, kundi ang ating militanteng paglaban. ###

No comments: