Umuwi kami ng kapatid kong si Miko sa Bikol kamakailan. Matagal-tagal na rin kaming hindi nakakauwi dahil nagdesisyon kaming magpaiwan sa UP para sa summer enrollment noong Abril. May konting units si Miko at hanggang ngayon ay tinatapos ko pa rin ang thesis ko. Wala talaga sana kaming planong umuwi bago matapos ang summer classes, ngunit mayroong mangyayari bukas na tiyak na magbabago sa landas ng mga Pilipino, positibo man o negatibo.
Ngayong darating na Lunes, hindi ko na kailangang banggitin kung anong obiyus pero, “May eleksyong magaganap.” Tingnan na lang natin ito bilang isa pang karagdagan sa redundancy ng sandamakmak na campaign ad sa TV primetime (7pm hanggang 11pm) kung saan halos wala nang patalastas na kinabibidahan ng mga regular na mukha nina Kim Chiu, Marian Rivera, atbp. at kung saan pinalitan ito ng mga mukha nina Chiz Escudero na naglalaro ng Pinoy Henyo, Noynoy Aquino na patuloy na nagsasalita laban sa korapsyon (define “korapsyon,” ano), at kung anu-ano pang mga pakulong papatok sa masa. Maliban na lang siguro sa ilang mga ad na talagang may laman at may matapang na sinasabi, the rest is just rhetoric that is as empty as most of the Filipinos’ stomachs.
Sa pagbanggit ko ng karamihan ng mga tiyan ng Pilipinong ito, malamang ay hindi kasama rito ang mga tiyan ng angkang Lopez na ang ideya ng pagtulong sa kapwa ay maglagay ng isang milyong pisong pot money sa gitna ng noontime show studio upang pag-agawan ng libo-libong masang kung hindi man nangangarap na makuha ang premyo ay makita man lang ng kanilang mga kaanak sa TV. Sa totoo lang, hindi rin ako kabilang sa karamihan ng mga taong walang laman ang tiyan. Kahit paano, nakakakain ako nang tatlong beses sa isang araw kung gugustuhin ko, gayundin ang aking kapatid, at ang aking mga magulang (kahit na inalisan ng sweldo ang Mama namin mula 2009 hanggang early 2010, ngunit ibang kwento naman iyon at nilalayon kong maisulat din sa nalalapit na panahon). Sa katanuyan ay nagkaroon pa ng maliit na salu-salo sa bahay namin noong isang gabi. Kaarawan kasi ni Ate Lorie, isang taong halos maituturing ko na ring kapatid. Kung hindi ako nagkakamali—panay kasi ang mga joke niya patungkol sa tunay niyang edad—31 anyos na siya ngunit mukha pa rin siyang high school student, palibhasa’y mas maliit pa sa aking dapat ay college graduate na. Si Ate Lorie ay may dalawang birthday: ika-7 at ika-17. Nagkaroon daw kasi ng typographical errors sa birth at baptismal certificates niya. Biro nga namin sa kanya ay magte-32 naman siya sa ika-17 ngayong buwan. Maliban sa mga side comment sa edad ni Ate Lorie ay madalas din kaming mapasok sa mga usaping may kinalaman sa halalan, siguro hindi lang dahil sa nalalapit na ang Mayo a-diyes, kundi sa natural na karakter ng aming pamilyang mag-usap-usap tungkol sa mga bagay-bagay na masasabing “pulitikal.”
Hindi ko gets ang ibang mga pamilyang iniiwasan ito. Politics is everywhere, ika nga, even in the kind of shit that we let out every day. Oo, ang tae ng isang tao ay nababahiran pa rin ng pulitika, sapagkat kung ano ang ipinapasok natin sa ating mga bunganga upang makaraos sa gutom at inilalabas ng ating katawan ay dinidikta pa rin ng ating mga uri. Hindi mo kailangang paalalahanan ng mga made-up na mukhang panay ang ngiti at halakhak (at may kasamang sayaw at rap pa nga ‘pag minsan), suot ang kanilang mga matitingkad na kulay na nangangako ng pagbabago upang magising sa katotohanang ang pulitika ay nasa inidoro mo lamang. Dagdag lang sa taeng iyon ang mga nakikita mo pang tae sa TV, naririnig sa radyo, nadadaanan sa mga maruruming pader sa lansangan. Maling isiping pare-pareho lang silang mga trapo’t oportunista, dahil ang pag-surrender sa kaisipang wasak na ang pulitikal na istruktura ng Pilipinas at wala na tayong magagawa tungkol dito ay apathy na kasing-sahol lamang ng pangungurakot at pambubusabos ng mga karapatan ng taong-bayan. Simple lang naman ang pag-segregate ng kung ano ang tae sa hindi: ang pagtukoy ng kung sino ang makatao, ang makamasa, ang tunay na maglilingkod sa interes ng nakararami, at hindi interes na pansarili o interes ng iilan lamang. Ang "iilan" ay tumutukoy sa maliit na porsyento ng mamamayang Pilipinong malalim ang bulsa at inihahapag ang kanilang mga sariling maging daan ng imperyalistang US na mas higpitan ang hawak sa yaman ng ating bansa. I must sound biased. Of course, I am biased. Kung iniisip mong ang artikulong ito ay magiging nyutral, walang pinapanigan, at walang pakialam sa kunteksto ng mga bagay-bagay, nagkakamali ka. There is no such thing as contingency of truth, and I refuse to take bullets from both sides.
Kung kaya’t pagkatapos ng nakabubusog na hapunang espeyal na inihanda para sa kaarawan ng isang kasambahay, ay naisipan naming magkapatid na ayain ang aming munting pamilya’t ilang mga kaibigang manuod ng “Sa Ngalan ng Tubo” ni Onin Tagaro mula sa Tudla Productions. Una ko itong napanood sa Maskom lobby noong nakaraang taon pero matagal-tagal ko na rin siyang naririnig sa mga kaibigan. Ang “Sa Ngalan ng Tubo” ay isang Pilipinong dokumentaryong naglalaman ng lahat ng kailangan nating malaman sa kung ano talaga ang nangyari noong ika-16 ng Nobyembre, 2004 sa Hacienda Luisita, Tarlac at ang buong kunteksto ng makasaysayan at madugong pangyayaring iyon. Noong inimungkahi nga naming magkapatid ang film showing, ay agad sinabi ni Mama, “Wala naman talagang boboto rito kay Noynoy [Aquino] e.” Mabuti nga at ganoon pero mas mabuti pa ring malaman natin kung bakit ang isang mapangahas na tulad niya’y hindi dapat manalo o mangarap man lang na maging pangulo ng Pilipinas.
“E wala na talagang boboto kay Noynoy ‘pag napanood ‘yun,” ang sabi ng isang kaibigan ng pamilya matapos manood ng dokumentaryo. Napatanong tuloy ako sa aking sarili, “Iilan nga ba ang nakapanood na nito?” Maraming nakakaalam ng Masaker sa Hacienda Luisita at maraming nakakaalam na pagmamay-ari ng mga Cojuangco-Aquino ang nasabing hacienda, ngunit ilan nga lang ba ang may alam ng specifics nito? Ilan ang nakakaalam na pito ang namatay sa araw mismo ng masaker, at walo pa ang inasasin matapos ang araw na ‘yon? Ilan ang nakakaalam na sa isang maaliwalas na araw sa hacienda, ay magagawa ng isang panginoong maylupang magpaulan ng makating tubig mula sa mga fire truck at teargas at bala mula sa pulisiya’t militar bilang sagot sa mga nagpipiket na magsasaka’t manggagawang-bukid? Ilan ang nakakaalam na sampung tanke ng mga armadong pulis at sundalo ang ipinadala laban sa mga naka-tsinelas na manggagawa ng Central Azucarera de Tarlac na ang tanging bitbit na sandata ay ang kanilang panawagan at tirador lamang?
Apparently, kapag marami ang makaalam ng katotohonan, ang tawag nila rito ay “black propaganda” o kaya "mudslinging" o kaya nama'y "ad hominem" dahil isa lamang diumano itong intensyunal na paglalabas ng baho ni Benigno "Noynoy" Aquino Jr. ng kanyang mga kalaban bilang paninira sa eleksyon. Para sa isang positibong halalan, hindi maganda ang manira ng iba, kung kaya't makatwiran lang na hayaang magpatuloy ang isang berdugo sa kanyang pagsasamantala; kung kaya't ayos lang na kalimutan ang masaker ng mga magsasaka sa Luisita (at Mendiola) at walang-imik na manood ng music video kung saan nagmagmartsa si Noynoy kasama ang mga pinakapamilyar na celebrity, dala ang mga sulong bitbit din ng mga welgista sa hacienda anim na taon nang nakakaraan. Kung ito ang ibig sabihin ng positibong halalan, kung ito ang hinihingi ng liberalismo, hindi ako papayag na magkunwaring walang masama sa pagsuot ng dilaw na baller, sa pagtali ng dilaw na ribbon, at sa paglimot ng dugong dumanak para sa tunay na reporma sa lupa dahil lamang nakatira ako sa kalungsuran, nakakakain nang tatlong beses sa isang araw, at naglalayong makakamit ng diploma na maaaring magsilbing susi para makasali sa global na kalakaran ng mga ideya, kapasidad, at yaman. Hindi ibig sabihing porke hindi ako magsasakang tanging ang lupa lamang na naipon sa kuko niya ang kanyang pagmamay-ari, ay hindi ako magagalit. Dapat lang na singilin ang nang-aapi, ang nambubusabos, at nakapatay. Dapat lang na multuhin siya ng mga kasakiman ng kaniyang angkan, lalo pa't nasa pagmamay-ari pa rin nila ang nasabing hacienda. Sabi nga ng utol ko, "Personal attack is justifiable during these times when it can be a symbolic act of violence that is minor compared to the violence that will be committed further by the Cojuangco-Aquinos if they assume presidential power." In this case, silence and complacency would indeed be a crime.
Noong iniharap sa pamilya Cojuangco-Aquino ang isyu patungkol sa Hacienda Luisita, nagawa pa ni Ballsy Aquino na tawagin ang mga nagwelgang “pretty spoiled farmers.” Kung ang kahulugan niya ng “pretty spoiled” ay maging aliping sunog ang balat sa init ng araw, nagbabanat ng buto habang nagtatabas ng tubo’t tumatanggap ng P9.50 kada linggo bilang "stockholders" ng azucarera (dahil sa Stock Dictribution Option sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program na ipinatupad ng yumaong ina ni Noynoy na si Corazon "Cory" Cojuangco-Aquino matapos ang insidente ng Mendiola Massacre noong 1987), e ‘di katakut-takot nang isipin kung ano ang kahihinatnan ng mga magsasaka't manggagawang-bukid ng Luisita kung hindi sila "spoiled." At kung "pretty spoiled" sila (at sa ganitong lagay ay 'di man lang kakayaning mamasahe sa dyip mula Philcoa hanggang Commonwealth sa kakarampot na naiipon nilang 'di man lang umaabot sa diyes pesos), e 'di ano pa ang tawag sa nakababata nilang kapatid na si Kris Aquino na minsang nagmalaki ng kanyang Chanel earrings at tinawag pa itong “katas ng Hacienda Luisita?” Ito ang scenario habang ang mga "pretty spoiled" farmer sa kanilang bakuran ay nagugutom pa rin hanggang ngayon, anim na taon nang nakalilipas matapos and masaker, at humihiigop na lamang ng sabaw mula sa pinakuluang bato (ayon sa panayam namin sa isa sa mga magsasaka pagpunta nilang UP nitong Abril lang).
Ang sabi ni Noynoy ay “sinulsulan” lang ng masasamang elemento ang mga welgista noon, kesyo brainwashed lang daw ng mga miyembro ng NPA at kung sinu-sino pang mga "komunista’t kalaban ng estado." Hindi ba sapat na dahilan ang sumahod ng kaunti pa nga sa minimum wage kada linggo upang pumiket, upang manawagang itaas ang sweldo, upang hingiin ang lupang sinasaka mo? Hindi na ito usapin ng kung sino ang kumampi, ng kung sino ang tumulong o “sumulsol” (ayon na rin sa limitadong bokabularyo ng nag-aambisyong maging pangulo). At kung totoo mang tumulong sa pagmulat at pakikibaka ang mga “komunista”—na ginawang primaryang misyon ni Arroyo at ng kanyang tutang si Palparan na pagpapapatayin imbes na resolbahan ang daantaon nang problema sa kultura ng kahirapan ng Pilipinas—sana ay komunista na lang tayong lahat. Kung ito lang ang magbibigay sa atin ng kapasidad na maramdaman ang tunay na paghihirap ng naaapi, oo, mabuti pang maging rebelde kesa magsuot ng dilaw at tawagin ang sariling “sagot sa kahirapan,” anak ni ganito’t ni ganyan, “bayani ng bayan.” Mas gugustuhin ko pang magsuot ng pula kesa magsabing “ako ang magdadala sa iyo sa tamang daan” habang ang mga kamay ko’y matagal nang nakasawsaw sa katas ng pinaghalong asukal ng tubo at dugo ng mga anakpawis.
Malaking porsyento ng asukal hanggang ngayon ay nagmumula sa Hacienda Luisita. Sa katunayan, ay nagtaas pa ito ng presyo mula P32 hanggang P60 kada kilo. Sana sa bawat sandaling magtitimpla ka ng pagkain, kape, at kung ano mang kailangan ng asukal ay alalahanin nating ang dugong kaakibat nito, ang berdugong may pakana nito, at ang aroganteng paghuhugas-kamay ng iilang nagsasabing sila ang sagot sa korapsyon. Ikaw? Kailangan bang ikaw ay magutom din at magpakulo ng bato bago kumilos? Maghihintay ka na lang bang mamuno ang isang epitomya ng pyudalismo sa isang bansang nangangailangan ng tunay na repormang agraryo? Kung ang sagot mo ay hindi, kung pipiliin mo ring hindi magsawalang-kibo at magalit, sabi na rin ng kanta ng Asia's Songbird sa mala-station ID TV ad ni Noynoy--at dito lang sila hindi nagkamali--"Hindi ka nag-iisa." Bukas, hindi tayo pupunta sa lansangan, hindi tayo magdadala ng mga plakard at susugod sa Mendiola. Bukas, tayo ay may bagong sandata: ang ating kolektibong boto laban sa berdugo, ang ating kolektibong boto para sa tunay na makataong mga pinuno, sa tunay na nagbibitbit ng people's agenda.
At kapag hindi pa ito sapat, hindi sa eleksyon magtatapos ang lahat. Habang hindi pa nakakamtan ng mga magsasaka't manggagawa ng Central Azucarera de Tarlac ang Katarungan, hindi titigil ang nakaraan, kasalukuyan, at kinabukasan sa pagmumulto sa berdugong angkan ng Cojuangco-Aquino. Ani nga nilang mga liberal, "Ipagpatuloy natin ang [Tunay na] Laban."
(Ang mga litrato sa ibaba ay mga kuha ng UP Sining at Lipunan o UP SILIP)
Anak ng Anakpawis
Mga Butil sa Hacienda
Nawawalang Hustisya
Ang Mukha sa Likod ng Dilaw na Ribbon ay Nababahiran ng Dugo at Katas ng Tubo
HUWAG IBOTO ang Berdugong si NOYNOY AQUINO
Para sa Maliwanag na Bukas ng Magsasakang Pilipino
No comments:
Post a Comment