Mahilig akong magsulat. Hindi man sa Pambansang Wikang Filipino kundi sa Ingles, panay ang tak-tak-tak ng keyboard sa luma kong laptop na minahal ko na ring parang isang nakasanayang bolpen. Malapit sa puso ko ang panitikan, isa ‘kong masugid na tagahanga ng ilan sa mga pinakapipitagang manunulat mula kina William Shakespeare (pero hindi ko linya ang panulaan) hanggang kay F. Sionil Jose (hanggang ngayon ay tinatapos ko pa rin ang “Poon” ng kanyang mga nobela sa Rosales Saga). At kahit mahilig akong magsulat, pakiramdam ko pa rin ay hindi ako karapat-dapat na tawaging isang “manunulat.” Kapag tinatanong ako ng “Are you a writer?” ang lagi kong sagot, “No, but I write.” At mababasa ko na ang nasa isip nila: “Anlabo.”
Malabo naman talaga. Sa mundong ito at sa panahon ngayon, mahirap makamit ang isang titulo. Iba ang manunulat sa pawang nagsusulat. Iba ang kritiko [ng panitikan] sa [nagbabasang] panatiko. Kung pwede lang ay kalimutan ang mga linyang naghihiwalay sa tunay na Panitikan mula sa karaniwang taong mahilig lang magbasa o magsulat. ‘Yun nga lang, Rio Alma did not earn his stars by being a literary aficionado—he was, and still is, part of literature itself. Kung kaya’t mas lalong nanliit ang pakiramdam ko nang kunin ko ang Filipino 50: Introduksyon sa Pantikang Filipino. Hindi pala sapat ang marunong kang humanga. At hindi rin sapat ang magpakabihasa sa sarili mong sining. Isang mahalagang salita ang tumatak sa isip ko: context. Kunteksto—ang pag-juxtapose ng likhang sining sa panahon kun kailan ito nilikha at ang malalim na pag-iintindi o pagsusuri sa panahong ‘yun upang mahimay ang isang likha. Sabi nila, boring ang history. Kaya siguro wala masyadong nag-aaral nito’t mahina ang pagdadalumat natin ng bansa dahil hindi natin akalaing maaaring kakambal din pala ng panitikan ang nakaraan. At nang ating suriin ang kasaysayan ng pagsusulat, paglilimbag, pakikipagsapalaran, at pakikibaka gamit ang salita dito sa Pilipinas, muling naipaalala sa’kin kung ga’no kahitik sa mga makasaysayan at makasining na obra maestra ang ‘Pinas, at kung ga’no pa ako kahilaw bilang isang manunulat, este, nagsusulat na estudyante.
Kahapon
Marahil isa sa mga pinakamahalagang obra sa Panitikang Filipino ay ang epiko. Sa katunayan, kahit sa kasaysayan ng sinaunang Gresya ay oral din ang pagsalaysay ng kanilang mga epiko. Nakagugulat na hindi lang pala umiikot sa pagtutugma ng mga salita ang pre-kolonyal na mga berso kundi sa metikulosong pagsukat ng mga linya at tamang paghati ng mga pantig. Ito’y totoo rin sa kaso ng iba pang uri ng panitikan noon—na kung hindi umaawit ay tumutula sa oral na tradisyon—ang mga bugtong, salawikain, at tanaga. Sa nabasa kong halimbawa ng mga nabanggit, masasabi kong hindi tayo “a handful of monkeys” na gaya ng ipinalabas ng mga Kastila. Pero ganun ang kolonyal na stratehiya: ang pagpapabagsak ng ating morale at ang pagpapamukha sa’tin ng ating “ignorance” na maaaring magpaliwanag kung bakit meron tayong nakagisnang mendicant culture at mababang cultural ego.
Nang naghari sa ‘Pinas ang Korona ng Espanya, para tayong mga presong nakapiring na at pinatapon pa rin sa dilim. Kasabay ng mundo ay pumasok tayo sa sarili nating Dark Ages, isang panahon ng stagnant na mga ideyang umiikot sa isang kolonyal na konsepto ng pananampalataya sa isang puting Diyos. Sinubukan nating magpakilala ng mga bagong ideyolohiya: naiangkop ang medieval metrical romance sa Spanish ballad at nagkaroon tayo ng tradisyon ng courtly love na para bang nalimutan natin ang panahon ng ating mga katutubo kung kailan mayaman din tayo sa mga kundiman at iba pang mga awit ng pag-ibig. Hanggang ngayon ay masasabi kong nariyan pa rin ang impluensiya ng courtly love dahil sa mga telenobela sa primetime TV kung saan hahamakin ang lahat para sa pag-ibig—isang development at uri ng emotional purgation na hindi mo matukoy kung positibo nga ba’ng epekto o ginagawa lang tayong mga masokistang tangang tanging damdamin lang ang pinagbabatayan. Ngunit hindi lang “Florante at Laura” (depende kung si Lucila Hosillos o si Bienvenido Lumbera ang ‘yong paniniwalaan sa debateng ang “paghihimagsik” o pawang “pag-ibig” lamang ang naghaharing konsepto sa obra ni Balagtas) ang kinailangan ng Nasyon upang maalis ang piring sa mga mata Niya at makalaya sa madilim na kuweba ng Espanya. Gaya ng Alegorya ng Kuweba ni Plato, kinailangan natin ng isang pilosopong buong tapang na lalabas at haharapin ang liwanag. Para sa’kin, ito’y isinakatuparan ng unang sapit ng Realismo sa Panitikang Filipino. Hindi dapat natin makaligtaang ang panitikan mismo ang umudyok sa mga Pilipinong umaksyon, kaakibat ng mga opresyon ng Kastila—ang paglalapastangan ng ating mga lupa’t kagubatan (sa pamamagitan ng Polo atbp.), ang panggagahasa ng ating kababaihan, at ang pagpatay ng milyun-milyong Pilipinong ang tanging adhikain lamang ay maisiwalat ang liwanag na minsan nilang nasilayan, ang katotohanan o Realidad na minsan nilang natuklasan. Iyon ang sakripisyo ng pilosopong nagpumiglas mula sa kuweba. Isang magandang produkto ng Realismo ang pagdadalumat ng Bansa o Nation, ayon na rin sa aking propesor sa isa pang asignaturang Filipino na si Apolonio Chua. Hindi man daw natin napansin, nagsimula ang pagdadalumat na ito sa mga isinulat ni Rizal—ang Noli at Fili, among others, na hindi man likas na orihinal na konseptong maka-Dumas ngunit akmang akmang nai-presenta ang Kolonyal na Pilipinas—hanggang sa naiangkop na nga sa ating mga awit at pang-araw-araw na wika ang mga salitang “Bayan,” “Bansa,” “Katagalugan”, at “Inang Bayan.”
Ngayon
Nakalulungkot lang isiping ang “paglaya” ng ating panitikan at pambansang pagdadalumat mula sa madilim na kuwebang iyon ay mapapalitan ng mga uri ng pagsusulat gaya ng Eskapismo sa mga sumunod na panahon (ang pagsakop ng Amerika at Hapon). Nagkaroon na rin tayo ng ideya ng art for art’s sake kung saan ang tanging concern ng manunulat ay ang magpakabihasa sa kanyang pagsusulat. At marahil ito na rin ang nanganak ng mga sunud-sunod na henerasyong X, XY, XYZ, at kung anu-ano pa kung saan mas naging inward ang direksyon ng panitikan sa sarili at tuluyan na ring na-penetrate ng indibidwalismo ang kolektibong kamalayan ng mga tao. Maraming blogs, nobela, maiikling kwento, at pati columns sa diyaryo kung saan ang primeryang layunin ay ang pagsulat tungkol sa mga sabjek ng human interest pero hiwalay sa ideya ng isang lipunan. Masasabi kong ako mismo ay produkto ng agos ng pag-iisip na ito, kung saan ang historical materialism at individualism ay napaka-imposing kung kaya’t nalimutan kong hindi ito ang bisyon ng Realismo o pambansang pagdadalumat dahil ito’y naging parte na ng aking pang-araw-araw na buhay—mula sa almusal ng Gardenia wheat bread na kinakain ko hanggang sa mga napapanood kong patalastas ng pampaputing lotion, facial cream, bath soap, beauty soap, moisturizer, astringent, facial foam, facial wash, beauty pills, at kung anu-ano pang ini-endorse ng mga local celebrities na pinanganak nang maputi. Kahit sa mga summer billboards ng Penshoppe (isang bigtaym na lokal na clothing industry giant) ngayon, kasalukuyang makikita ang mga imahe ng “blondeng diyos” na minsan na ring nabanggit ni Lualhati Bautista sa kanyang nobelang “Gapo”—ang mga nagniningningang bituing kahit Pilipino ang dugo ay kinulayang dilaw ang buhok at binigyan ng bughaw na mga mata’t mukhang isinubsob sa tanning machine—the closest they could get to Malibu Barbie’s or Ken’s. See? Pati ang lenggwaheng gamit ko ay hitik sa mga alusyon sa pop culture, sa mga commodified na uri ng sining na available para sa lahat. Ngayon, pwede mo nang isuot si Che Guevarra kahit hindi mo alam ang tungkol sa kanyang Motorcycle Diaries, pwede kang maki-sing along sa “Every Breath You Take” ng The Police na wala kang paki sa underlying meaning na ibinabahagi nito tungkol sa excessive government control ng Estados Unidos, at pwedeng-pwede ka na ring mangulekta ng sangkatutak na Mickey Mouse figurines, stuffed toys, shirts, briefs, atbp. na hindi nalalamang ilang Disney sweat factories na rin ang na-bust na pinagtatrabaho ang mga batang may anim na taong gulang lang ang tanda, sumusweldo nang ‘di sapat, at gumagawa ng mga laruang hindi naman niya napaglalaruan—“Feel the Disney Magic,” ika nga.
Malaki ang papel na ginagampanan ng Papel, ng Pluma, ng Panitikan. Sa katanuyan, hindi pa sapat ang salitang “malaki.” Marami na tayong mga karanasan kung saan ang panitikan at sining mismo ang humuhubog sa’ting lipunan—mula Realismo hanggang Eskapismo at ngayon, pilit na nagpupumiglas ang Panitikang Rebolusyonaryo. Naaalala ko ang sinabi ni Uncle Ben kay Spiderman (heto nanaman tayo): “Remember, with great power comes great responsibility.” At palagi ring pinaaalala ng mga piksyunal na superhero na hindi dapat mapunta ang kapangyarihan sa maling mga kamay. Imagine: isang lipunan kung saan ang materyalismo at neokolonyal na mga ideyolohiya ang nagpapatakbo, kung saan ang ideya ng globalisasyon ay ating ini-inhale at ine-exhale na. Actually, hindi na natin kailangang mag-imagine, dahil ito na ang ating katotohanan. Lampas na tayo sa pawang imahenasyon lamang. Masakit man aminin, pero ito na marahil ang “moderno” o “kuntemporaryo” o “21st century” (o kung anumang trip mong itawag dito) na uri ng “pagdadalumat ng bansa.” At nasaan ang Panitikan? Hayun sa mga blogs, sa mga ipinaskil sa MRT na stanzas ng mga Kanluraning tula tungkol sa pag-ibig na inisalin sa Filipino, sa retorika ng mga SONA ni Gloria kung saan siya nagbibigay ng blow-by-blow account ng kanyang mga matagumpay na proyekto para sa ekonomyang alam nating hindi pa rin mapapantayan ang isa pang blow-by-blow account ng bilang ng mga extrajudicial killings, pagpatay ng mga journalists, at desaparecidos sa panahon ng kanyang pammuno (o paghahari).
May dahilan kung bakit may Kasaysayan, kung bakit may mga rekord ng naglipas na panahon, kung bakit may kunteksto. Mabuti ang forward na pag-iisip, ang pag-move on, ika nga. Ngunit kung ‘di tayo marunong mag-rewind at kung hindi man lang natin suriin ang nakalipas para sa ikakabuti ng ngayon at bukas, ay patuloy tayong mabubuhay sa kasalukuyang ilusyon ng “araw-araw” ng globalisasyon. Wala mang piring at hindi man nangangapa sa dilim ay nabubulag naman sa kaleidoscope ng iba’t-ibang kulay ng McDonald’s na sing-kulay ng dugong dumadanak mula sa mga tinuturingang “terorista”, sa bahaghari ng mga Kanluraning imaheng ninakaw sa henyo ni Andy Warhol, sa dilaw na buhok, sa bughaw na mga mata.
Bukas?
Mahilig akong magsulat. Pero may mga tanong na bumabagabag sa akin maliban sa “Isa ka ba talagang manunulat?” Dahil kapag sumasagot ako ng “Hindi, pero nagsusulat ako,” biglang bubulaga ang follow-up questions sa isip ko: “Tungkol saan? At para kanino?”
6 comments:
rakenrol.
kewl yung critique on art for art's sake. meh radical potential
kraven
Luv ur articles..
Luv ur articles..
ouch!
GOsh! dear lara mendizabal - i'm really starting to like your style. . . waaah! pwede ba tayong mag-meet, gosh! i need someone to connect with na ka-dugo ko man lang. Kung WRITERS BLOOD or MENDIZABAL BLOOD lines man ang pinaguusapan, basta, magmeet tayo!
maraming salamat sa mga komento =)
Post a Comment