Noong isang gabi, nag-aayos ako ng mga damit. Nagtabi ako ng ilan, ibinalot sa plastik, atsaka gamit ang pentelpen, ay isinulat ko sa plastik ang label na "Lordei at Charley." Andami ko na kasing damit. Maliban sa nagpapanibagong-hubog din ako (naks), ay hindi na rin kasi praktikal ang magtago ng damit na sa sobrang dami ay kaya kong huwag umulit ng outfit buong taon. Nakakahiya man aminin, ay totoo ito. Hindi naman ako mabili. Nagkataon lang talagang masagana ang Nanay ko sa mga kagamitan, at kapag 'di na kasya sa kanya o kaya'y pinagsawaan na, ay ipinaaampon na niya ang mga ito sa akin.
"Ayusin mo nga posture mo," madalas kong sabihin kay Lordei. Medyo kuba kasi talaga siya, e matangkad pa naman din, maganda, at tila pang-model ang katawan. Payat pero 'yung eleganteng payat. Hindi ko naman ibinabandera ang "slim" na pangangatawan, ngunit mukhang natural kasi ito sa katauhan ni Lordei. Malalaki rin ang kanyang mga mata, at mas lalong lumalaki 'pag nakakakita ng ipis, 'pag napapatili dahil nakatanggap ng practical joke na teks mula sa ilang pilyong mga kaibigan, o kaya'y 'pag nae-eskandalo ng simpleng akbay/kiss/panlalandi ng iba. Madaling maapektuhan si Lordei. Pero ayon nga sa isa ring malapit niyang kaibigan, ay "talagang hindi matatawaran ang kanyang katatagan."
Hinimok ko siyang mag-ayos. Malaki kasi talaga ang potensyal ni 'Te na maging "classy," pero parang nasanay na lang siya sa mga ginupit-gupit niyang t-shirt, ginupit-gupit niyang shorts, at simpleng pares ng tsinelas. Sabi ko naman, nakatutulong kasi ang pag-aayos minsan sa pagma-"masswork." Sumang-ayon naman siya. Tinanggap niya ang mga damit na ibinigay ko dati pa. Minsan ay nagpalagay pa siya ng makeup sa kanyang mga kabahay. Pero ang hindi ko nasabi sa kanya, ay kahit ano pa ang ayos niya, magara man ang damit at may makeup man o wala, nananatili siyang maganda sa mata ng masang kanyang pinagsisilbihan.
Kagabi, hinihintay ko ang utol ko nang magteks siyang hindi raw siya makakauwi agad dahil magdadala siya ng mga gamit kay Lordei, tapos sabay teks naman si Absie ng, "Ingat ka." Mula roon, ay nalaman ko na sa mga sumunod na mensaheng nasa ospital nga ang dalaga. Nanakawan daw. May injuries. 'Yun lang. Nang makausap ko na si utol kalaunan, saka lang naipaliwanag sa akin kung ano ang nangyari.*
Bandang alas-tres ng hapon ay may lalaking tumungo sa University Student Council office upang magtanong kung pwede pa mag-setup ng booth sa nalalapit na UP Fair. Naroon sina Lordei at Shai, nag-uusap. Tumulong sila kay kuya at ibinigay sa kanya ang contact number ng isang USC officer. Noong nalaman ni kuyang wala na raw bakante sa fair, umalis na siya. May kinailangan sigurong puntahan si Shai, kaya't siya ay nagpaalam muna. Maya-maya, pumasok na ang ilang mga lalaki (kasama 'yung nag-inquire kani-kanina lang). Sabay lock ng pinto. Mabilis daw ang mga pangyayari. Paalis na ang mga kalalakihan sa Vinzons Hall sakay ng isang taksi nang mapansin ng sekyu na kumakaripas sila. Saka siya pumito. Matapang ang drayber ng taksi. Preno agad matapos ang pito. Naaresto ang isa, samantalang nakatakas ang iba. Nakatira raw ng droga ang nahuling suspek. Nabawi rin ang mga ninakaw na laptop, telepono, at iba pa. Sa ikalawang palapag ng nasabing gusali, sa loob ng opisina ng USC, nandoon ang katawan ni Lordei--walang-malay at kritikal ang mga dagok sa ulo. Sabi ng doktor at ilang mga saksi, pinukpok daw siya ng tubo sa ulo. Idinala si Lordei sa UP Infirmary bago inilipat sa Capitol Medical Center. Hanggang ngayon, ay nasa Intensive Care Unit pa rin siya ng ospital. Wala pa ring malay. Kailangan daw niyang pumailalim sa isang operasyon upang maiwasang dumiretso ang mga pira-pirasong bahagi ng kanyang bungo sa utak.
Habang pinapakinggan ko ang salaysay na ito, hindi ko maiwasang mapamura nang ilang beses. "Alas-tres ng hapon...maliwanag...hindi gabi.... Ni-lock sa kwartong mag-isa...kritikal sa ICU." Naisip ko kung ano ang ginagawa ko sa hapong yaon. Naisip ko rin kung ano ang mga pinagkakaabalahan ng ilang mga kaibigan at kasama sa paaralan nang mga panahong 'yun--malamang may nagru-room-to-room bilang bahagi ng kampanya para sa mas de-kalidad at mas abot-kayang edukasyon, siguro may ilang nagmi-meeting o tumatambay sa unang palapag mism ng Vinzons, baka may nagmu-movie marathon sa kanilang mga bahay-bahay, o nagfe-Facebook, o nagna-9gag. Naisip ko kung sa panahong 'yun ay nagge-Gameboy si Noynoy, o minamaneho ang kanyang puting Porsche, o nagbibigay ng talumpati sa kung saang opening ng isang Jollibee branch, puno ng mga pangako, mga imahen ng isang maliwanag na bukas at isang partikular na "landas" na hindi ko na sasabihin kung anong itsura at saan patungo dahil nakakasawa na. Naisip ko ang eksena sa hapong yun mula sa mahaba-habang Coronavela, kung saan ang mga senador at ilang matutunog na pangalan sa loob ng isang malaking bulwagan ay nagtatalastasan kung dapat nga bang ikonsider na makatarungan ang pagpapahiram ng pera ng isang family corporation kahit pa ito'y dissolved na. Naisip ko kung ano ang tumakbo sa isipan ng gwardya, ng taksi drayber, ng bangag na lalaking nahuli, at ng mga nakatakas. Gaano ba kahirap ang mga kinakaharap nilang krisis? Marami ba silang anak? May mga kabit at bastardo kaya silang kailangang pakainin? Anu-ano kaya ang mga pangarap nila sa buhay?
Hindi ko maiwasan. Sa mga ganitong pangyayari ay umiikot ang aking utak ala-David Fincher, at pinagtatagpi-tagpi ang mga buhay-buhay ng sangkatauhan sa loob lamang ng ilang mga minuto. Dahil sa loob ng mga minutong iyon ay nakakulong si Lordei sa loob ng isang kwarto, pinagtulungan ng ilang sabog na kalalakihan, at pinagpupupukpok nang walang habag. Ini-imagine kong kaya rin sukdulan ang pagpahirap sa kanya, ay dahil nagtititili siya at pilit lumalaban. Nagpupumiglas. At ngayon, kahit wala siyang malay at naghihikahos, gumagana pa rin ang kanyang puso. Ang tatag. Tipikal iyon kay Lordei. Tipikal iyon para sa kung sinong alam ang kanyang mga karapatan at pinipiling ipaglaban ang mga ito.
Ngayon, nagdarasal ang iba. Ang iba naman ay nagpo-post ng kung anu-anong narsisistikong links sa Facebook--mga halimbawa ng itinanim na false, almost fantasy-like "simulacrum," ayon na rin sa paliwanag ni Ser Roland Tolentino ukol sa postmodernism. Samantala, ang iba naman ay walang kaalam-alam sa nangyari. Para sa ilan, si Lordei ay dapat tulungan, dasalan, bantayan sa ospital. At dapat lang na ipatuloy ang laban para sa dagdag-badyet ng maintenance and other operations expenditures (MOOE) ng Unibersidad ng Pilipinas. Para naman sa iba, si Lordei ay isa lamang sa primetime news headlines. 'Di ba't mapapamura ka lang talaga? Maiinis ka rin sa mga hipster na kunwari, "tibak," para may kabuluhan lang ang mga buhay at basta lang kumontra sa mainstream, ngunit hanggang online posts lang ang kaya, hanggang existentialist lang na mga pagtatanto at pagra-rationalize. Maa-agit ka rin sa kawalan ng resulta sa laban para sa isang siyentipiko, makabayan, at makamasang edukasyon. Kaya lang naman nag-layoff ng sandamakmak na security guards ang UP dahil nagko-cost cut upang saluhin ang bilyun-bilyong pisong kinakailangang badyet para sa MOOE na hindi naman ibinigay dahil sa ngayon, ay dapat lang na "self-sufficient" 'di umano ang nasabing Pambansang Unibersidad. Ang galing at pogi talaga ng ating pangulo.
Hindi ito imbento. Lumilitaw na ang mga produkto ng pagbabalewala sa pag-aaral ng kabataang Pilipino. Ikaw man si Lordei, o anak ng simpleng mangingisdang pasado sa UPCAT ngunit 'di nakapag-enroll dahil sa P100 000-matrikula kada semestre, o estudyante ng UP na nanganganib na ma-extend dahil kailangang magtrabaho upang mag-ipon para sa isyu-shoot na film thesis, o simpleng aktibistang estudyanteng pinili ang ganoong buhay dahil mismong mga kundisyon na rin ang nag-udyok upang bumalikwas, ito ay totoo: Nakamamatay ang pagpapabaya ng estado.
Ngayong gabi, tutungo ako sa aking kaibigan. Sana ay swertehin at mayakap ko man lang siya nang mahigpit. Kinabukasan, itutuloy ko ang kanyang laban at ng marami pang maalam at nakikialam na mga tunay na Iskolar ng Bayan.
*Ang mga ito ay isinalaysay lamang sa manunulat. Maaaring mabago ang ilang mga detalye kapag nagkamalay ulit si Lordei at mailinaw ang ilang mga bagay.