Ang sumusunod ay isang talumpating ibinigkas nitong nakaraang Abril, sa araw ng pagtatapos ng mga estudyante ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon. Kaalinsabay nito ay isang maiksing kilos-protestang nagpaigting sa katotohanang "walang pagbabago sa ilalim ni Aquino":
Mahalaga ang umagang ito para sa ating lahat, hindi lang para sa mga mismong magtatapos, ngunit para na rin sa mga magulang at tagapangalagang nagsakripisyo upang makitang tumanggap ng diploma ang kanilang mga anak. Ngunit mahalaga man ang umagang ito, hindi pa rin maikakailang lahat tayo ay magtatanong sa ating mga sarili: Ano na ang susunod? Anong mangyayari bukas, pagbangon nating muli bilang mga gradweyt ng Unibersidad ng Pilipinas-Maskom, at bilang mga bagong opisyal na dagdag sa istatistika ng unemployed na mga Pilipino? At sabi nga ng isang patalastas sa telebisyon, marapat lang siguro nating itanong sa ating mga sarili, “Para kanino ako babangon?”
Hindi po kami pesimista. Naniniwala kaming ang Bulwagan ng Plaridel ay, kailanman, hindi nawalan ng abanteng pwersa. At naniniwala kaming ang araw na ito ay tunay na araw ng pagdiriwang. Subalit sa kabila ng mga sablay at nagniningningang kaputian ng mga suot ng mga nagsisipagtapos, makikita ang mas maliwanag na bukas na puno ng mga pangarap, panata, at paghamon. Nawa, ang pansamantalang paglisan natin sa ating mahal na pamantasan ay hindi nangangahulugan ng paglisan din sa ating mga pakikibaka.
Huwag nating kalimutan na tayo ang tinaguriang “ToFI Babies.” Tayo ang unang batch ng mga Iskolar ng Bayang naapaektuhan ng 300% tuition and other fees increase. Ni-railroad ito ng UP Board of Regents, taong 2006, kasabay ng pagratsada ng mga anti-estudyanteng neoliberal na polisiya gaya ng pagbenta ng university idle assets upang maitayo ang UP-Ayala Land Technohub, demolisyon sa Pook Ricarte, Pook Palaris, at Pook Dagohoy—o RIPADA kung tawagin—na pawang mga komunidad sa loob ng UP, at pagpapaalis ng University Food Service at UP Integrated School sa kasalukuyan nitong mga lugar. Sunud-sunod na rin ang mga nakaambang na demolisyon sa ilang mga barangay na kapitbahay ng UP dahil sa Quezon City Central Business District (QC-CBD), isang multi-billion joint project ng lokal na pamahalaan ng QC at Ayala Land Inc. (ALI) na may basbas ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino. At sino naman ang nakikinabang sa mga anti-mamamayang mga polisiya at proyektong ito? Nais ba nating bumangon para sa mapang-alipin at mapangkamal na nagsisilakihang pribadong kumpanyang hawak ng mga dayuhan at mayayamang iilan?
Huwag din nating kalimutan sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan na mga estudyante ng UP na dinukot ng militar sa Hagonoy, Bulacan, halos limang taon na rin ang nakalilipas. Hanggang ngayon, ay hindi pa rin sila nakikita. Wala man lang mapaglamayang ni isang kabaong. At sino ba naman ang makalilimot sa mga pinakamalagim na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas? Sino ang makalilimot sa pagkitil ng 58 inosenteng buhay, kung saan 32 rito ay mga katrabaho natin sa larangan ng media? Ang Ampatuan Massacre ay nagdulot ng matinding takot sa mga mamamahayag, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo, at naglagay ng ating bansa sa pandaigdigang mapa ng kahihiyan at panganib. Bilang kolehiyo, matindi natin itong kinundena. Nariyan din ang tila malaking elepante sa loob ng silid: ang Hacienda Luisita Massacre na kumitil naman sa buhay ng pitong magsasaka’t manggagawang bukid sa lupang pagmamay-ari ng mga Cojuangco at Aquino. Hanggang ngayon, ay hindi pa rin nakakamit ng mga biktima nito ang hustisya. Hindi rin dapat limutin ang Mendiola Massacre na tugon sa isang mapayapang kilos protesta ng mga magsasaka sa Malacañang noong 1987. Hindi lamang sa pagkundena nagtatapos ang ating sagot. Ating markahan ang mga araw na ito, at huwag na huwag nating kalilimutan. Ating bantayan ang kapwa nating mga mamamahayag at sibilyan nang hindi na maulit ang ganoong kadilim na mga yugto sa ating kasaysayan. At higit sa lahat, singilin ang mga berdugo, ang mga may utang na dugo! Tayo ay patuloy na manawagang ibigay ang nararapat na katarungan sa mga biktima ng mga Ampatuan, Cojuangco, at Aquino! ‘Pagkat sino ba naman ang nais bumangon para sa isang pasistang estadong iwinawaksi ang mismong karapatang pantao ng mga mamamayan nito?
Ang lahat ng ito, isyu man ng pamantasan o ng buong bayan, ay maiuugat sa iisang suliranin: ang culture of impunity, o kawalan ng hustisya sa bansa. Kung mayroon man, ito ay mailap sa masa at mas pumapabor sa interes ng nabanggit na mga dayuhan o mayayamang iilan. Pinakamagagandang halimbawa nito ang ilang mga matutunog na pangalang kung wala pa rin sa kulungan, ay mayroong nagawa pang maging presidente ng bansa. Tayo ay binulag ng pangako ng isang landas na matuwid. Ngayon, tayo ay tumatahak sa isang baku-bako at paliku-likong daan patungong neoliberalismo, patungo sa isang uri ng lipunang nananatiling atrasado, nambubusabos, at unti-unting pumapatay sa buhay at diwa ng sambayanan. Dahil ang sistema ay hindi “Matira, matibay,” kundi, “matira, may kuwalta.” Sa huli, ito pa rin ay labanan ng mga uri. At sa umpisa’t huli, tayo ang mapagpasiya: tayo ba ay para sa mapang-aping dayuhan at mayayamang iilan, o tayo ba ay para sa inaaping masa?
Kaya naman tulad ng tema natin ngayong umaga, hinihimok tayo ng panahon at ng mga pagkakataong mas kumilos na, hindi lang dahil personal at pang-estudyante ang mga isyu, kundi dahil tayo ay Iskolar mula sa Bayan, at Iskolar para sa Bayan. At hindi lang ito basta-bastang “elections tagline,” dahil ang tunay na UP student o graduate ay nagsisilbi sa sambayanang api kung saan utang natin ang mismong umagang ito. Hindi sapat ang honor at excellence sa loob ng klasrum at retorika ng mga magagaling magpaliwanag nito. Sapagkat ang tunay na dangal at kahusayan ay matatagpuan sa “dangal ng paglilingkod kasama ang bayan at kahusayan sa paglubog sa batayang masa.”
Kaya sa paggising natin muli bukas, kahit subukan lang nating itanong sa ating mga sarili: Para kanino ba ako?
Taas kamaong pagbati sa ating mga gradweyt sa Kolehiyo ng Pangmadlang komunikayon! Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan!
Photo by Kal Peralta