Noong ika-11 ng Abril, 2011, isang maaliwalas na Lunes, muling nasunog ang Barangay Central. Natupok ang 29 na kabahayan malapit sa PAG-ASA at nawalan ng tirahan ang mahigit-kumulang na 90 pamilya. Ito ay ikalawa nang sunog matapos ang pangyayari noong ika-7 ng Pebrero ng parehong taon, at halos ‘di na mabilang na insidente ng pagkasunog sa mga barangay na nasasaklaw ng proyektong Quezon City Central Business District (QC-CBD). Simula 2010 ay pinalalayas na ang mga residente sa North at East Triangle Areas at ipinalilipat sa Montalban, Rizal, isang napakalayong lugar na nakapuwesto sa “fault line” (unang tatamaan ng lindol o bagyo kapag gumuho ang lupa) at kung saan walang tubig, kuryente, at malinaw na kabuhayan.
Maliban sa ‘di-makatarungang taktikang “voluntary demolition” ng National Housing Authority (NHA), kung saan kinukumbinsi nila ang mga residenteng kusang maggiba ng sariling bahay upang hindi maiipit sa legal na usapin ang NHA, nariyan din ang taktikang, “sunog.” Ang sunog noong ika-7 ng Pebrero ay nagdulot ng kawalan ng bahay ng 4 000 pamilya sa Botanical Area, Brgy. Central. At imbes na magpokus ang gobyerno sa pagtulong sa mga nasunugan at pag-abot sa kanila ng mga kagamitan upang itayong muli ang mga bahay, tila ginamit pa ng NHA ang pagkakataon para mapaalis sila at ilipat sa malalayong relokasyon. Ang kumalat na balita sa komunidad, sanhi raw ng sunog ang paghugot ng hose mula sa tangke ng LPG at sadyang pagpapasindi sa tumagas na gas ng nag-aaway na mag-asawa. Hindi kailanman ito nakumpirma ng awtoridad, gayunpama’y walang dudang misteryoso ang mga sirkunstansya. Hindi malayo ang pagkakaiba sa natagpuang pusang amoy-gasolina malapit sa nasunog na mga kabahayan sa Brgy. Bagong Pag-Asa noong 2010. At wala rin itong masyadong pinag-iba sa bulung-bulungang isang misteryosong pagsabog, ‘di-umano, ang nagdulot ng ikalawang sunog sa Brgy. Central noong ika-11 ng Abril. May mga residente ring nagsabing may nakita raw silang isang lalaking may hawak na sulo. Hindi imposible ang sadyang pagsunog, pagka’t ayon na rin sa karanasan ng aping maralitang lungsod, ito ang pinakamadaling paraan ng pagpapalayas.
Kagaya noong Pebrero matapos ang unang sunog, noong gabi mismo ng ika-11 ng Abril, ay may pinadala na ang NHA na mga awtoridad upang harangin ang mga eryang nasunog nang sa gayon ay hindi pagtirikan ng bahay ng mga nasunugan. Kukumbinsihin silang magpa-relocate sa Montalban, pumirma ng waiver, at magbayad buwan-buwan sa loob ng 30 taon para sa isang bahay na nasa fault line, walang kuryente, walang tubig, at wala ring malapit na kabuhayan.
Ang lahat ng ito ay mauugat sa ambisyosong QC-CBD, isang multi-billion joint project ng AyaIa Land Inc. (ALI) at NHA na may basbas ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon at ng mismong pangulong si Benigno “PNoy” Aquino III. Bukod sa malakihang demolisyon at displacement ng mga nakatira sa pagtatayuan nito, kasama rin sa balangkas ng QC-CBD ang pagpapagawa ng University of the Philippines Diliman Science and Technology Park—na maaaring magdulot muli ng pagtataas ng matrikula dahil sa pribatisasyon ng nasabing unibersidad—ang pagsanib ng East Avenue hospitals bilang isang ospital na ang pokus ay “medical tourism,” ang pag-alis ng ilang government agencies sa North at East Triangles, at ang pagpapatayo ng maraming condominium, call center, shopping mall, park, at iba’t-iba pang malalaking business venture na ang makikinabang lang naman ay ang mga pribado at malalaking kumpanyang kikita ng bilyon-bilyong piso.
Matapos ang pinakaunang pagtatangka ng mga awtoridad na mag-demolish, naitatag ang Contra-CBD, isang alyansa ng lahat ng kilusang masa at iba't-ibang mga organisasyon ng mga komunidad na nasasaklaw ng QC-CBD. Tinatayang 122,000 na maralitang lungsod at libo-libong government employees sa North at East Triangles ang unti-unting pinapatay ng proyektong ito. Pinapanawagan ng Contra-CBD na huwag tayong matakot sa mga nananakot at nanghaharang ng panirikan ng bahay. Karapatan nating igiit na hindi makatarungan ang pagpapalayas ng NHA at pagpapadala sa mga residente sa malalayong lugar na walang seguridad at maayos na kabuhayan. Itayong muli ang ating mga bahay! Huwag maniwala sa mga panlilinlang ng NHA at ilang sektor ng pamahalaang lokal ng QC. Barikadang Bayan ang solusyon sa pambubusabos na ito ng rehimeng Aquino, gaya ng ipinakita ng Sitio San Roque.
Itigil ang pagsunog! Tutulan at labanan ang demolisyon!
Igiit at ipaglaban ang karapatan sa kabuhayan at paninirahan!
Tutulan at labanan ang pribatisasyon at malawakang tanggalan sa mga ahensya ng gobyerno at mga pampublikong ospital!
Ibasura ang makadyuhang proyektong QC-CBD! Labanan ang programang Public-Private Partnership (PPP) ng kontra-maralitang Rehimeng US-Aquino!
CONTRA-CBD
KADAMAY│COURAGE│ANAKBAYAN│GABRIELA│BAYAN MUNA│AKSYON Central│SEPTEMBER 23 MOVEMENT│ANAKPAWIS│ETNA│KALIKASAN
Botanical Area, Brgy. Central, 7 Pebrero 2011 (kuha mula sa Pinoy Weekly) |
TimeZone, Trinoma Mall, kuha mula sahttp://racoma.com.ph/archives/my-misadventure-at-timezone-trinoma |